Linggo, Abril 5, 2009

[tula] pagbabalik?

maingat ang bawat hakbang
pero nagtatalo ang isip at puso
kailangan ko nga bang lisan
ang lugar ng ating hantungan?

matao ang lugar
mainit kahit malamig naman
marahil dahil sa pagsisiksikan

nag uunahan
humahabol sa byahe
humahabol sa oras
at humahabol na may maupuan

ilang oras na lang
hindi na mga nagsisiksikang halaman
ang aking masisilayan
kundi mga nagsisiksikan barung-barong
sa tabi ng daan at mga estero
at ilalim ng tulay
hindi na mga ligaw na halaman
at mga insekto at mga damuhang nagtataasan
ang aking madalas makakasama
kundi mga batang naliligaw at walang tahanan
dahil sa epekto ng labis na pagsasamantala...

malapit na nga akong bumalik
at madarama ko na ang mga kamayan
at mga yakap na mahigpit
mula sa mahal kong pamilya
mula sa mga kaibigan at kasama
mula sa masa

pero napapaisip ang diwa
sa isang banda
hindi pagbabalik ang akmang salita
hindi naman talaga ako lumisan
patuloy kong tutugunan ang panawagan
para sa mga anak nitong bayan

makikibaka at lalaban
kaisa ng sambayanan
kaisa ang aking armas na tangan
ang panulat kong nananawagan
rebolusyon ang paraan
rebolusyon ang tunguhin ng mamamayan
para sa isang malayang lipunan

-ilang bahagi ng tulang "pagbabalik?" ni maria baleriz
Image by FlamingText.com



Walang komento: