Martes, Abril 21, 2009

[tula] soneto sa gabi ng digma

tahimik na nagpapaalam ang papalubog na araw
habang may pangakong bukas itong ating digmaan
sa sandaling ang araw ay di na matanaw
huwag sanang lumbay ang piliing makaulayaw
sa gabing lulukob sa ilalim ng iyong bunbunan
di sana lungkot ang kanyang mabungaran

sa musikang sinisimulan ngayong buuin ng mga kuliglig
ang mga titik ng puso ko'y kasabay na hinihimig
pinag-inam ko ang bawat pagtipa sa gitarang sa isip ko lang gumagana

nagsisimula ko nang madama ang bawat paglamig ng paligid
at sa bawat patlang katahimikan ang umiigid
subalit maigsi pa ding sinusulit itong aking alay na awit

di ko tiyak kong kanilang naiibig
ang bawat pagpailanlang ng himnong dumidilig
sa mga puno't halaman sa mga dahong lanta at luntian
sa mga insektong ang ilan ay nagliliparan
sa mga niknik at lamok at kuwago
mga tahimik kong tagapakinig

makita mo sanang may dahil na ngumiti
at sapat pa ding mayroong ipagbunyi
ang buwan at mga tala masigasig ding babati
magkukuwentong may wakas itong ating pighati
kung sa paglaban at sa paglaban lalagi
itong ating pakikibaka hahantong sa pagwawagi


-"soneto sa gabi ng digma", maria baleriz
Image by FlamingText.com

**ang soneto, bukod sa uri ito ng tulang may 14 na taludturan at may tugma na tungkol sa kaisipan at damdamin, ay nangangahulugang maliit na awit o tunog. Sa tulang ito (hindi soneto), ginamit sa pamagat ang soneto upang magbigay halaga sa munting awit.

Walang komento: