Linggo, Disyembre 9, 2007

pasista

ANG kumpas ng kamay ang hudyat ng berdugo
palaganapin kagyat ang pasistang gobyerno
mula sa kalatas na padala ng imperyalismo
lumikha agad ng malawakang delubyo

dinahas ang protesta doon sa mendiola
pati kababaihan hindi inalintana
walang pakundangan itinaboy at binalahura
binomba ng tubig ang mga dakilang aktibista

walang sinanto senador man o alagad ng simbahan
itatabo ka't iwawasiwas sa lansangan
kahit nga babae napagsamantalahan
sa mga protesta'y nasaktan at nahipuan

kagyat pang bumugso ang epidemya ni pandak
kaliwa't kanang pagpaslang ang inanak
dugo ng mga masang lider at aktibista' dumanak
parang mga ibong binaril at pinabagsak

labi ng mga kasama'y parang hayop na pinaslang
animo'y mga leong hayok na sumunggab na lamang
nilapa ang katawan ng mga matuwid ang tapang
pag-agos ng protesta'y walang humpay na hinarang

Walang komento: