Biyernes, Setyembre 7, 2012

[maria baleriz liwanag] patalim lumalapit


kamusta setyembre?

ang pangangailangan mo
humigpit pang lalo
dahil ba palapit ang pasko?

wala pang isang linggo
mula noong dumating ka dito



may isang dalagang nanginginig sa takot
isang patalim ang sa kanya itinutok
ng isang gipit na mandurukot

pera at cellphone ang pakay
inarbor pilit ng lumpen sa kanyang kamay
sa kainitan ng hapon kahit matao ang binabaybay

habang binabagtas ang overpass
lumuluha sa pangyayaring dinanas
hindi na nagawang habulin ang sumalakay
habag at pagkalinga ang naialay
ng mga taong nakasaksi at walang nagawa
dahil na din sa takot sa matalas
na hawak ng lumpen at iwinawasiwas

walang pulis kundi mga taga-ayos ng trapiko
sa ilalim ng tulay nakapwesto
kung kaya walang nakapigil noong kumaripas ng takbo
upang makalayo at makatakas
patungo sa dagat ng mga naglalakad na tao

at maglaho

habang ang dalaga
naiwang naglalakad at lumuluha
mabigat ang loob sa nawala
hindi napigilang magbulalas ng sumpa


Image by FlamingText.com

Walang komento: