Linggo, Setyembre 2, 2012

[piping walang kamay] wala

 i.

kalakhan
walang kabuhayan
problema ang ihahain
sa hapag kainan
wala
pang kakainin ang kumakalam
na sikmura


putang wala

ii.

kalakhan
wala
kahit pambayad sa matrikula
o
wala
kahit pamasahe o pambaon
upang makapasok
sa eskwela

iii.

kalakhan
sa mga maralita isinisisi ang
sanhi diumano ng pagbaha
sa kalakhang Maynila

nanguna pa ang pamahalaan sa ganito
para ba gang hindi biktima ang
mga kababayang maralita
kung akusahan nitong gobyerno
at nitong mga makikitid mag-isip
na mayroong kitang higit sa ilang daang piso

wala
walang kasalanan ang mga mayayamang ito
wala
walang kasalanan ang mga pulitikong ito
wala
hindi sila ang may gawa ng pagbaha

ang bathalang sila ang may gawa
buti hindi nila sinisisi ang ulan

sa mga dukha

iv.

hanggang ngayon
wala
at maraming dumadagdag
sa mga nawawala

ilan lamang sina
jonas burgos at james balao
sherlyn cadapan at karen empeno

ilang taon na ang nakaraan
hanggang ngayon

wala

maliban sa mga kaanak
pamilya, kaibigan, at kakilala
mga nagmamalasakit
maghanap?

wala ba?


Image by FlamingText.com



Walang komento: