Linggo, Nobyembre 30, 2008
rebolusyon
mahal na mahal.
mahal na handa akong mabuhay para sa iyo.
mahal na mahal.
mahal na handa kong tiisin ang hirap at lumbay at pait.
tiisin ang bawat pasa at galos at sugat.
mahal kita na handa akong masaktan.
mahal kita na maaaring hindi ako maubusan ng dahilan.
o mahal kita at maaaring takasan ako ng mga batayan.
subalit mahal kitang tunay.
alam ko at naniniwala ako.
hindi naman palaging may batayan ang lahat.
sapagkat minsan mahirap ipaliwanang ang ilang nadarama.
subalit alam kong ito ay wasto.
at ipagpapatuloy ko itong sundin.
ang ikaw ay patuloy na ibigin.
doon kita natatagpuan
sa bawat ngiti ng mga batang paslit
doon sa mga maralitang komunidad
sa mga pagbating sumasalubong
doon sa kanayunan
sa piling ng mga magsasaka
mangingisda at maging ng mga katutubo
sa kanilang mga pag-aalala
doon kita natagpuan
sa mga armas na tinanganan
para ipaglaban ang paglaya ng mamamayan
para isulong ang kanilang karapatan
para sa masa at hindi sa pansariling ibig matamasa
sa bawat tawanan at pagluha
sa bawat pagkain at gutom
sa mga tingin ng mga matang malungkot
at nasasaktan at kumakalam ang tiyan
doon kita natatagpuan
at dahil nga doon
minamahal
mahal kita
sa gitna ng hirap
at pasakit at kalungkutan
mahal kita sa gitna ng mga ngiti
at pagtawa at halakhak
at alam ko mahal kita
hindi sa mga salitang binibigkas
dahil alam kong hindi laging 'i love you'
ang kailangang marinig
at hindi laging sa bibig
pinapatunayan ang pag-ibig
hindi sa mga paghahawak o halik
hindi sa pagsasama at pagsasanib
hindi sa ibabaw ng kama at ang paglalapit
sapagkat ang pag-ibig ay pag-ibig
hindi nakakahon at nakapinid
sapagkat ang pag-ibig ay paglaya
at ang paglaya ay pagiging payapa
at ang pag-ibig ay makikita
sa gitna ng digma
Biyernes, Nobyembre 28, 2008
sa sunken garden (pagbabalik)
lalo sa mga sandali na takipsilim
anong taimtim
anong gaan sa damdamin
ang ingay ng mga dyip at kotse
ang musikang sa diwa ay humehele
kay sarap madama ang damuhan
sa pagod kong likuran
pati na ang mga hamog sa mga dahon
nagsisimula ng humakbang
anong ganda ng iyong langit
anong rikit n g buong paligid
hindi pagsasawaang mapadpad ulit
sa kalinga ng harding naiiba ang rikit
-mga pinilas na bahagi ng tulang "sa sunken garden(pagbabalik)"
Martes, Nobyembre 25, 2008
pagbabalik sa sunken garden
ang pagkakataong buong-buong dinudulog
sa kalinga ng iyong kay gandang paligid
ibig kong muli't-muli ay malunod
sa mga damuhang kinasasabikan kong higaan
sa lilim ng mga puno mong ibig kong paghimpilan
habang hinaharana ako ng iyong mga katotong langay-langayan
mga pipit at mayang naglalaro-umaawit sa mga sanga't lansangan
sa gabi ng ating muling pagtatagpo
yakapin mo ako ng iyong hanging mapanuyo
hinahanap kong maikulong sa malambot mong bisig at puso
at hindi ko mapapalagpas ang awit mong kay busilak
tilan mga bulong ng pagsinta ang bawat mong halakhak
at dahil sa aking labis na pananabik
di lang sa mga ito at sa hamog na sa pisngi ko'y humahalik
baka sakali
baka sakali
...dito ko na ibig magtapat ng pag-ibig.
pagsasalaysay
parang pagkurap ko sa iglap
nakita ko na lang nakahandusay
kinulayan ng dugo ang katawang walang malay
muntik nang di marinig ang putok
humalo kasi sa ingay ng mga nagpupukpok
natigagal ako sa nasaksihan
'sing bilis ng hagibis ang mga bala
lumangoy sa hangin at sumisid sa dibdib niya
animo barenang binutas ang sintido
bulagta ang lider aktibista
habang walang anu-ano
may pasibad na motorsiklo"
nakatiwangwang na ang krimeng likha ng estado
at marami pang susunod na ganito
abangan ninyo
abangan ninyo
lalo na kung hindi tayo kikilos
upang ang kaganapang ito ay mapuksa
itong krimen na likha ng teroristang gobyerno
"kowloon-gan"
yaong kainang kowloon house kung tawagin
suportahan natin ang pitumpu't tatlong manggagawa
na inalis sa trabaho na ang
kasalanan lamang nila diumano
pakikibaka para sa mga karapatang omento
masarap nga ang mga tindang pagkain walang duda
subalit anong silbi nito kung mismong manggagawa
ngayo'y walang trabaho't
gutom ang nagpala sa pamilya
matapat na naglingkod ng maraming taon
karamihan higit pa sa sampung taon ang inukol
subalit ang may-ari sadyang ganid sa pagkamal ng tubo
simpleng pagmamalasakit at tulong lamang
sa dinamidaming maaaring kainan
hindi kalabisan
hindi mahirap
kung magsasakripisyo ka
na iwasan munang tangkilikin
ang kapitalistang mapagsamantala
ikaw ang inaasahan
sapagkat sa pamahalaan
walang pagkilos na gainampanan.
kay tagal ng nilalangaw
usapin ng mga manggagawa
hanggang sa kasalukuyan
wala pang hustisyang nakakapa
ang mga manggagawa
pati na ang pamilya
kumakalam ang sikmura
at pang-araw-araw na gastusin
higit pang pinuproblema
kaya ikaw
magising ka
at maki isa
Lunes, Nobyembre 24, 2008
nasasabik ako
naitanong ko ito ng napakaraming ulit
ang totoo, sa maikling panahon
madalas kitang nakikita sa mga pook
kung saan madalas magtama ang ating mga mata
bago ka pa umalis
upang makipamuhay sa mga magsasaka
madalas kitang makita
subalit para magising din sa esensya
na ikaw ay wala pang talaga
pinaglalaruan pala ako nitong mga mata
tunay na sa tuwina hinahanap hanap kita
...ang tinig mong nangangamusta
at nagkukuwento ng sanglaksang pakikibaka
na iyong nakasalamuha
-mga pinilas na bahagi mula sa tulang "nasasabik ako"
Linggo, Nobyembre 23, 2008
nakita ko ang mga pagluha
minsang nilapitan ako't kausapin
kay lugod sa iyong pakiramdam
bawat pagkakataong iyo silang nasisilayan
di mo maiwasang mga mata'y lumuha ng tuluyan
saan ba kumukuha ng tatag at tapang
silang mga manggagawang pinagkaitan ng trabaho't karapatan?
alam kong di kita agad nasagot
at a halip, sa aki'y pagkagulat ang iyong idinulot
napaisip din ako't saka naglaro ang sagot
pinakikilos sila ng poot
sa sistemang mapagsamantala at bulok
at dahil batid nilang tama ang paglaban
na ang katarunga'y makakamit
sa walang hintong pakikibaka
para sa paglaya at karapatan
perpekto?
subalit may magagawa ang pakikibaka
para sa panlipunang paglaya
mula sa buntot ng pagsasamantala
kung ang lahat naman kasi ay perpekto
para saan pa ang pagluha at kalungkutan?
para saan pa ang sakit at pakiramdam?
para saan pa ang paglaban at digmaan?
kung ganoon lang din papanaw na ang nadarama
baka nga wala ng pag-ibig kang inaakap
maaaring wala nang sugat kang ibabansag
doon sa nagalusang pangarap
kung perpekto na ang lahat
bakit pa may nagugutom?
bakit may batang palaboy dito at doon?
bakit walang matirhan ang karamihan?
bakit ang nagtanim walang makain?
bakit ang lumikha walang magamit?
bakit ang mayroon nag-aaksaya?
bakit habang buhay na atang mahirap ang mga dukha?
bakit ka pa nag-iisip:
kung may kakainin bukas?
kung may baon o perang mahahagilap?
kung may pag-asa ang ikaw ay mahahanap?
umiinam na daw ang lahat
ayos na sa palagay ng malakanyang
sa kanyang panlasa ang pag-unlad
o may kaunlaran bang matatawag?
(buntong hininga)
bakit may digmaang sa kasalukyan ay nagaganap
para sa pagtatayo ng lipunang kay tagal ng inaapuhap?
panamilit*
at tila di mapapatid na mga pisi
ang kanilang pagdaloy sa pisngi
animo talon na walang habas sa pagbugso
animo tubig na sumisirit dulot ng hapdi nang paglayo
nagbabadya ang bawat segundo
at sanhi nito ibayo pang pagdaloy
hindi lang ng bigat ng pangamba
kundi ang nabibilang na panahon
na mawawalay tayo sa isa't-isa
maaaring ngang hindi na muling magkita
ang ating mga puso di na magniniig
hindi na muling magyayakap ang mga bisig
subalit baun-baon ang inyong ala-ala
yaong masaya at malumbay na pagsasama
maaaring hindi na maririnig ang inyong tinig
ang masasayang tawanan at mga himig
subalit huwag nawang malunod sa lumbay
sapagkat laksang mga tinig at ngiti at mga kwento
ng pakikibaka at pag-ibig ang ating maririnig
makikita ko pa din ang inyong mga mukha
at alam kong ako sa inyo'y ganun din
sa mukha ng masang ating patuloy na mamahalin
andoon ako at maging kayo nakatitig ng mataimtim
kaya magpakatatag sa napipintong pag-alis
hanggang sa susunod na pagkikita
hanggang sa kung saan man tayo magkasama
hindi ko malilimot ang mga oras
babaunin ko ang mga matatamis na alaala
makulay na kabanata patungong tagumpay
*panamilit = salitang mula sa bisaya na ang ibig sabihin ay paalam.
"...sapagkat ang paglisan ay hindi katapusan.
ito ay pagsisimula pa lamang.
para sa mga nalalapit na paglisan."
Sabado, Nobyembre 22, 2008
iguhit
ang gandang nagtatago
sa likod ng mga ngiti
nang nagugutom na mga labi
sapagkat hindi maaaring ikubli
ang sakit sa bawat pagngiti
kahit ng mga pangakong yaman
at pinangangalandakang kaunlaran
na pinipilit nilang ihabi
sa mga pahayagan at telebisyon
sa mga radyo at malalaking tarpaulin
hayaan mong iguhit ko
ang gandang nagtatago
sa mga mukhang namimilipit sa sakit
dahil sa gutom na sikmura
at bitukang nagwawala
gandang nagtatago sa mga binusabos
at inalisan ng karapatang mabuhay
ng marangal at maginhawa
hayaan mong iguhit ko.
at sana...
sana
maibigan mo
hindi ako bihasa sa mga kulay
at maging sa mala-dibuhong pagguhit
subalit ang mabigyang hustisya
silang larawan ng hirap at dusa
aking sisikapin na maantig
ang bawat damdamin
ninyong lahat na makakabasa
ng simpleng obrang
mula sa mga titik
at kahit ng sinaunang alibata
pagmasdan ninyong iguhit ko
ang kahirapan at pambubusabos
at sa huli masdan ninyong iguhit ko
ang digmaan at rebolusyon
na lalahukan ng sambayanang magbabangon
isang lipunang makatarungan at makatao
isang lipunang sosyalismo
Biyernes, Nobyembre 21, 2008
[tula] sa mga bata sa piketlayn^
edad apat, lima, pito, labingdalawang taon?
ang iba'y natuto pa lang bumilang
iyong iba'y natutunan pa lang isulat ang kanilang pangalan
iisipin mo ngang di nila naiintindihan
kung bakit sa murang edad
sila'y nasa piketlayn
pero hayun at hawak ay mga placards at posters ng paglaban
at madalas pa ngang nangunguna sa pagsigaw ng mga panawagan
mga karapatan sa trabahong ipinaglalaban
ng kanilang mga ama at ina
na ngayon ay tinanggal ng ganid kapitalista
mga lehitimong karapatang pinagkait sa mahabang panahon
kasabwat ang gobyernong mapagsamantala
maaaring bata nga sila
pero masasalamin mo sa mura nilang mga mata
ang kahandaang lumaban para sa karapatang
maging sila ay unti-unting inaalisan
masisilay mo sa kanilang mga mata
ang musmos na pang-unawang wasto ang kanilang pagsama
na hindi usapin kung bata ka sa pakikibaka
ang mahalaga ay paninindigan at paglaban
para sa pangarap na makatarungang umaga
-^ang tulang 'sa mga bata sa piketlayn' ay alay kina may, jomar, daniel at sa mga anak ng mga manggagawa sa kowloon house na kasalukuyan dalawang buwang mahigit nang nakawelga. at alay na din sa iba pang anak ng mga manggagawang sa murang gulang ay nakikiisa at nakikisangkot sa pakikibaka ng mga manggagawa, ng mamamayang pinagsasamantalahan. "ang lipunan ay isang pakikiwelga. kailangan ang iyong pakikiisa."
ilang tagpo sa piketlayn
may dalas na ngiti sa labi ng bawat isa ang namumutawi
may pagbating humahaplos sa pagod na damdamin
nagbibigay ginhawa ang bawat pag-aalala:
"magkape ka muna"
o dili kaya,
"kain tayo kasama"
magkasamang humuhigop ng inumin,
kumakaen, at naghihilik
sama-samang namamaluktot
sumisiksik sa tulugang semento
na sapin ay karton o kahit manipis na pambanig
nagkakasya sa awitang itinotono ng gitara
napapawi ang lungkot at pagod
sa kwentuhan at tawa
magkatuwang sa pagguhit ng mga panawagan
sa likod ng mga tarpaulin
animo mga mag-aaral na nagsusulat
at nagdodrowing
sa sulatang sako at resiklong mga papel
gamit ay tintang kulay dugo at kahel
minsan ay asul at itim
tintang nag-aalimpuyo sa panawagan:
Boykot!
Ibigay ang karapatang dapat ay sa amin!
Katarungan sa 73 manggagawang tinanggal sa trabaho!
Huwebes, Nobyembre 20, 2008
awit
kaya naglalayag na ang mga langay-langayan
at ang sinag ng papahimlay na araw
nanunuot sa mga ulap na namamasyal
kay sarap pagmasdan ng kalawakan
habang gumagapang ang mga segundo sa orasan
tila pinapanood mong maingat na pinipinta
ng pintor ang kanyang hangad na obra maestra
lipos ng ingat at pagnanasa
lipos ng panalangin at pag-asa
marahang hinuhubdan ng kulay
mahinhing kinakahig ng pinsel
ang isinabog na pintura
nagwawala man di'y unti-unting humahawa
doon sa itim na natapong pagluluksa
kaya ang ninanamnam na samu't-saring tingkad
ang pagkupas tila pagong na umuusad
naglalaro sa pagitan ng lumbay at saya
ang labi na dati'y kakulay pa ng dugo
ngunit ngayo'y tinakasan na ng maalab na pula
at nagbabanta nang matuyo ang pagsinta
magkaibang daigdig
hahanap-hanapin ko
ang mga tinig na tila umaawit
yaong mga tinig na madalas kalaro ng aking pandinig.
hahanap-hanapin ko
ang mga gabing malamig.
ang damuhan at semento
at puno at halaman
mga saksi sa mga kwentuhang
naging nobela ng pag-ibig at paglaban...
-mga hininging bahagi sa tulang 'magkaibang daigdig'
Miyerkules, Nobyembre 19, 2008
[awit] paraiso*
*pagsasalin
nagbalik sa lupaing tinatawag na paraiso
lugar kung saan ang naghihingalong ilog ay may hangganan
walang mga ibong nagliliparan doon sa paraiso
walang puwang na nagpapahintulot sa kanilang magtagal
ang usok na humaharang sa hangin
ang damong wala talaga doon
at kung makakakita ako ng isang ibon, anong saya.
sinubok kong sumulat ng ilang mga salita at lumikha
ng isang payak na awit na maririnig
ng lahat sa buong daigdig
nakatira ako sa lupaing tinatawag na paraiso
sa bahay na gawa sa kartong sahig at dingding
natutunan kong maging malaya sa paraiso
malayang angkinin lahat ng aking nakikita
magkaternong basahan bilang damit
mga plastic bag para sa lamig
at kung walang lamang lata ang tanging mayroon ako, anong saya
hindi ako nakikipag away upang kunin sa iba
ang kanilang barya at mamuhay ng may takot
kagaya ng lahat ng mga kabataan
paraiso, tulungan mo akong manindigan
paraiso, hawakan mo ako sa aking kamay
paraiso, gawin mong maunawaan ng mundo
na kung makakakita ako ng isang ibon, anong saya.
itong pagal at gutom na lupa ay makakaasa
ng kaunting katotohanan at pag-asa at paggalang
mula sa lahat sa buong mundo
*isa sa paborito kong awit...
(mula sa awitin ng smokey mountain)
Lunes, Nobyembre 17, 2008
patawad
sana kasing dali na sa bawat pag-atungal
makakayang hulihin ng daliri ang bawat luhang papatak
luhang hindi na madudurog o malulusaw
upang ialay ko ang maiipong mga kristal
gaagawin kong kwintas ng lumbay yaong mga hamog
at ipapaalalang sa iyong kariktan
isa ako sa nahumaling, lumuha at nasaktan
...isa ako sa mga naiwanan subalit patuloy na nagmamahal.
Linggo, Nobyembre 16, 2008
kinukulayan ng mga patak ng ulan ang salaming bintana
ang salaming bintana
kung kaya ang iyong mukha
hindi ko maaninag ng malinaw
mula sa loob ng sasakyan
na aking kinalululanan
palayo sa iyong kinatatayuan
kinukulayan ng mga patak ng ulan
ang salaming bintana
kung kaya di ko rin makita
ang likhang tingkad ng iyong pagluha
kinukulayan ng mga patak ng ulan
ang salaming bintana
kung kaya ang tanglaw na hatid
ng mga lamparang poste
malamlam pang lalo ang sinag
kinukulayan ng mga patak ng ulan
ang salaming bintana
kung kaya malabo ang nasisilay
sa kalagayan ng masa
maging ang ingay ng mga panaghoy
di ko na makita
kinukulayan ng mga patak ng ulan
ang salaming bintana
kung kaya ang naglalakad na ale
doon sa kalsada
'di ko tiyak kung nasagasaan ba?
dahil sa hirap na dulot ng bitbit
niyang bayong at maleta
mukhang galing siya sa malayo
at di magkandatuto sa paghayo
dito sa lungsod na lipos ng siphayo
kinukulayan ng mga patak ng ulan
ang salaming bintana
kung kaya hihintayin ko
ang kanyang pagtila
dahil natitiyak ko
lilinaw din ang lahat
pagkatapos niyang linisin at tangayin
ang lahat lahat
ang sakit
ang pagod
ang hirap
ang mga libag na sa katawan nagpala
ang mga pawis
ang mga luha
ang mga muta
ang mga pasakit
ang mga nagkukunwaring ngiti
ang mga mapait na halik ng paglisan
ang mga awit
ang mga paglalakbay
ang lahat lahat ng dalamhati
at pagkalugod
ang pagkalanta
ang pagkalusaw
ang lahat lahat
lahat lahat...
pabalik sa lupa
pabalik sa tunay na dapat maging malaya
katahimikan
ang minsang itinono ng mga ngayo'y nakahimlay.
doon sa hantungan ng mga pumanaw na katauhan
nagkasama-sama
at maingat na nilalaro
ang pinakamagandang pyesa nilang awit.
kasamang tumutugtog ang mga maya at pipit
animo orchestra sa entablado.
hatid ay kapayapaan sa isip na gumugulo
ginugulo ng problema.
pag-ibig at panata.
nagbabalik sa pagniniig ang paligid
at pagka-umid ng pandama.
Sabado, Nobyembre 15, 2008
[awit] Awit kay Bambi*
Awit kay Bambi
Titik at Musika: Danny Fabella
Boses: Bayang Barrios
Gitara: Empiel Palma
Violin: Jonathan Urbano
Violin: Paul Allesa
'Wag mag-alala mahal na kasama
Sa 'yong pagkawala makakaasa ka
Hindi masasayang alay naming bulaklak
Hindi masasayang mga luhang pumatak
Hindi masasayang aming awit at tula
Ng paghanga at pagdakila
Pagkat bakas na 'yong iniwan
Ay aming susundan
Buong tatag kaming babangon
Sa 'yong kinabuwalan
Pagkat bakas na 'yong naiwan
Ay aming susundan
Libu-libo kaming susulong
Tungo sa kanayunan
'Wag mag-alala mahal na kasama
Sa 'yong pagkawala makakaasa ka
Hindi masasayang ang iyong nasimulan
Hindi masasayang buhay mong ipinuhunan
Hindi masasayang ang sandatang nabitawan
Muli namin itong tatanganan
Pagkat bakas na 'yong iniwan
Ay aming susundan
Buong tatag kaming babangon
Sa 'yong kinabuwalan
Pagkat bakas na 'yong naiwan
Ay aming susundan
Libu-libo kaming susulong
Tungo sa kanayunan
At sa piling ng masa
Muli naming madarama
Ang lambing mo't pagmamahal
Kasama
[awit] 'sangdaang taon*
'Sandaang Taon
Titik at Musika: Danny Fabella
Boses at Gitara: Empiel Palma
Boses: Bayang Barrios
Dagdag na Boses: Jess Bartolome
Violin: Jonathan Urbano at Paul Allesa
Contrabass: Joven Tidon
Pinagtagpo tayo ng hirap at dusa
Sa isang panahon ng pagsisimula
Pinagbuklod tayo ng pagsasamantala
At ng mithiing lumaya
Ang bawat pagsubok ay ating sinuong
Sa bawat labanan ay laging pasulong
Tayong manggagawa'y magkakapit-bisig
Sa iisang kilusa'y tumindig
'Sandaang taon ng dakilang pag-kakaisa
'Sandaang taon, mabuhay ang pakikibaka
'Sandaang taon ng ating kilusang paggawa
'Sanddang taon sa pananagumpay ng digma
Pinapanday tayo ng mga tunggalian
Lalong pinatatag ng mahabang karanasan
Lakas natin ay mapagpalayang kilusan
Na hahawak ng kapangyarihan
At ating kasama'y mga magbubukid
At ang sambayanang hindi madadaig
Dudurugin natin imperyelistang ganid
Hanggang lumang tanikala'y mapatid
'Sandaang taon ng dakilang pag-kakaisa
'Sandaang taon, mabuhay ang pakikibaka
'Sandaang taon ng ating kilusang paggawa
'Sanddang taon sa pananagumpay ng digma
'Sandaang taon mabuhay ang manggagawa
'Sandaang taon mabuhay ang manggagawa
'Sandaang taon mabuhay ang manggagawa
*awit ng musikang bayan
[awit] ikaw ang awit*
Ikaw ang Awit
Titik at Musika: Danny Fabella
Boses at Gitara: Empiel Palma
Dagdag na Boses at Gitara: Jess Bartolome
Percussion: Mark Bambico
Igagawa kita ng isang kanta
At katulad mo walang kasingganda
Musikang lilikhain tinig mo na kay lambing
At laya ang tanging sigaw
Igagawa kita ng isang kanta
At katulad mo walang kasingganda
Hahanga at iibig ang bawat makarinig
Sa pag-awit ay sasabay
Igagawa kita ng isang kanta
Kahit sa gitna ng isang digma
Titik na kakathain mga ngiti mong kay tamis
Naghahatid ng pag-asa
Mga matang nagniningning
Na wari ba'y mga bituin
Kislap ng isang bagong umaga
Igagawa kita ng isang kanta
Aawitin ko hangga't may hininga
Yakap ang gitara ko at mga alaala mo
Himig ay laging buhay
Ganda n'yang natatangi sa bayan ay magsisilbi
Pagkat ang awit ay ikaw
*awit ng musikang bayan
[awit] Anak ng Bayan*
Anak ng Bayan
Titik at Musika: Danny Fabella
Boses: Pepot Suapero
Gitara: Danny Fabella
Gitara: Jess Bartolome
Flute: Jeri Torre
Inay, Itay ako po ay lilisan
Patutunguhan ko ay isang digmaan
Mag-aalay ako ng panahon at buhay
Para sa kalayaan
Inay, Itay 'wag kayong mag-alala
Inyong pagmamahal ay lagi kong madarama
Sa marami pang ama at inang mapagkalinga
Sa tahanang alay nila
Sa aking pag-alis kayo'y hindi rin mawawalan
Libong anak sa inyo'y laging magdaraan
Katulad ko rin, mabubuting anak ng bayan
Pagbati ko sa inyo'y ihahatid nila
Silang anak nyo rin at kasama
Kasabay ng mga ngiti sasabihin nila
Inay, Itay kumusta na
Inay, Itay sa ating paglalayo
Pinapangako kong hindi tayo mabibigo
Ang ating hanggad na malayang bukas
Ay tiyak na matutupad
Sa aking pag-alis kayo'y hindi rin mawawalan
Libong anak sa inyo'y laging magdaraan
Katulad ko rin, mabubuting anak ng bayan
Katulad ko rin, mabubuting anak ng bayan
[awit] payatas*
Payatas
Titik at Musika: Danny Fabella
Boses at Gitara: Chikoy Pura
Percussion: Nards Reyes
Flute: Floro Sernande
Sinikap naming kami ay mabuhay
Ng payapa at marangal
Kumain man kami'y aming pinagpaguran
Walang kapwang ninanakawan
Walang kapwang nilalamangan
(Nguni't/Pagka't) lagi nyo kaming pinapalayas
Ang tahanan naim'y winawasak
Pinalipat-lipat kung saan-saan
Kung ilang beses na'y hindi ko na alam
At nangako kayo ng lupang tirahan
Ngunit ibinigay n'yo ay lupang libingan
Ng aming anak, asawa't magulang
Kami'y hindi na muling aasa
At maniniwala sa inyong salita
Di namin kailangan inyong pakikiramay
Kayong may sala't duguan ang kamay
Sa pagkawala ng maraming buhay
(Nguni't/Pagka't) lagi nyo kaming pinapalayas
Ang tahanan naim'y winawasak
Pinalipat-lipat kung saan-saan
Kung ilang beses na'y hindi ko na alam
At nangako kayo ng lupang tirahan
Ngunit ibinigay n'yo ay lupang libingan
Ng aming anak, asawa't magulang
Sinikap naming kami ay mabuhay
Ngunit kayo itong sa amin ay pumapatay
Mga tinig naming malaon ng sinupil
Ngayo'y naniningil at naghihimagsik
Sa sistemang ito ay naghihimagsik
[awit] Isang araw aanihin*
Isang Araw Aanihin
Titik at Musika: Levy Abad Jr.
Boses at Gitara: Levy Abad Jr.
Dagdag na Boses at Gitara: Empiel Palma
Dagdag na Boses: Jess Bartolome
Sabay nating itanim ang binhi
Ng Paglaya sa bayan
Sabay nating diligin ng pag-ibig
Nang agad ay umusbong
Isang araw ay aanihin natin ang tagumpay
At sabay nating tatamasahin ang masaganang buhay
Sabay nating itanim ang binhi
Ng katarungan sa bayan
Sabay nating diligin ng pag-ibig
Nang agad ay umusbong
Isang araw ay aanihin natin ang tagumpay
At sabay nating tatamasahin ang masaganang buhay
Kaya't wag kang titigil at susuko
Sa pagpunla at paghahasik ng kalayaan
Ang ating p[agkakaisa'y patibayin
At ang ating pagkilos ay lalong patibayin
Sabay nating itanim ang binhi
Ng Paglaya sa bayan
Sabay nating diligin ng pag-ibig
Nang agad ay umusbong
Isang araw ay aanihin natin ang tagumpay
At sabay nating tatamasahin ang masaganang buhay
Isang araw ay aanihin natin ang tagumpay
At sabay nating tatamasahin ang masaganang buhay
Isang araw ay aanihin natin ang tagumpay
[awit] Hanggang Sa Muli*
Hanggang Sa Muli
(Sa Alaala ni Philip Lapa)
Titik at Musika: Levy Abad Jr.
Boses, Gitara: Levy Abad Jr.
Dagdag na Boses, Gitara: Empiel Palma
Harmonica: Jeri Torre
Ang daloy ng oras ay di mapatid
Ang wakas ng awitan palapit ng palapit
Kailan lang nagtagpo, ngayo'y maghihiwalay
Pinag-ugnay tayo ng mga awit ng buhay
Babaunin ko ang 'yong mga ngiti
At ang mga kuwento ng puso't paghihimagsik
At kung hindi man tayo muling magkita
Awitin natin ang awit ng paglaya
Hanggang sa muli mahal kong kasama
Hanggang sa muli sa pakikibaka
Ang mga hakbang natin ay magkaugnay
At wala tayong ibang hanggad kundi tagumpay
Kaya paalam na salamat sa iyo
Di ko malilimot ang mga araw na ito
Isang kabanata sa buhay, mga sandaling makulay
Ang mabuhay sa pag-ibig mo
Hanggang sa muli mahal kong kasama
Hanggang sa muli hanggang tagumpay
Ang mga hakbang natin ay magkaugnay
Pang-ugnay tayo ng mga kwento ng buhay
Hanggang sa muli mahal kong kasama
Hanggang sa muli hanggang tagumpay
Ang mga hakbang natin ay magkaugnay
Pang-ugnay tayo ng mga kwento ng buhay
Biyernes, Nobyembre 14, 2008
pipi at walang kamay
paano kung kagaya ko'y mapipi na ito?
paano kung kagaya ko'y wala na ang kamay upang humulma nito?
paano pa magiging mapagpalaya kung gayon?
kahit pa ang isip ay puno ng ideya at opinyon.
kahit pa nga ang gunam-gunam ay nag-uumapaw sa talinghaga.
kahit pa nga ang naiisip ay naglalarong tugma.
mawawala na nga.
hindi na magaganap yaong sinasambit na tulang mapagpalaya
nitong utak kong humihiyaw ng pag-alma.
kapara ng aking mga sayang na akda
itong pusong di tunay na pinagpala
kasing ilap ng mga titik na nahubog
para bumuo ng kathang tula.
yaring puso ko'y walang
pag-ibig na nais magtiwala.
-inumit mula sa 'pipi at walang kamay'