walang perpekto talaga
subalit may magagawa ang pakikibaka
para sa panlipunang paglaya
mula sa buntot ng pagsasamantala
kung ang lahat naman kasi ay perpekto
para saan pa ang pagluha at kalungkutan?
para saan pa ang sakit at pakiramdam?
para saan pa ang paglaban at digmaan?
kung ganoon lang din papanaw na ang nadarama
baka nga wala ng pag-ibig kang inaakap
maaaring wala nang sugat kang ibabansag
doon sa nagalusang pangarap
kung perpekto na ang lahat
bakit pa may nagugutom?
bakit may batang palaboy dito at doon?
bakit walang matirhan ang karamihan?
bakit ang nagtanim walang makain?
bakit ang lumikha walang magamit?
bakit ang mayroon nag-aaksaya?
bakit habang buhay na atang mahirap ang mga dukha?
bakit ka pa nag-iisip:
kung may kakainin bukas?
kung may baon o perang mahahagilap?
kung may pag-asa ang ikaw ay mahahanap?
umiinam na daw ang lahat
ayos na sa palagay ng malakanyang
sa kanyang panlasa ang pag-unlad
o may kaunlaran bang matatawag?
(buntong hininga)
bakit may digmaang sa kasalukyan ay nagaganap
para sa pagtatayo ng lipunang kay tagal ng inaapuhap?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento