kinukulayan ng mga patak ng ulan
ang salaming bintana
kung kaya ang iyong mukha
hindi ko maaninag ng malinaw
mula sa loob ng sasakyan
na aking kinalululanan
palayo sa iyong kinatatayuan
kinukulayan ng mga patak ng ulan
ang salaming bintana
kung kaya di ko rin makita
ang likhang tingkad ng iyong pagluha
kinukulayan ng mga patak ng ulan
ang salaming bintana
kung kaya ang tanglaw na hatid
ng mga lamparang poste
malamlam pang lalo ang sinag
kinukulayan ng mga patak ng ulan
ang salaming bintana
kung kaya malabo ang nasisilay
sa kalagayan ng masa
maging ang ingay ng mga panaghoy
di ko na makita
kinukulayan ng mga patak ng ulan
ang salaming bintana
kung kaya ang naglalakad na ale
doon sa kalsada
'di ko tiyak kung nasagasaan ba?
dahil sa hirap na dulot ng bitbit
niyang bayong at maleta
mukhang galing siya sa malayo
at di magkandatuto sa paghayo
dito sa lungsod na lipos ng siphayo
kinukulayan ng mga patak ng ulan
ang salaming bintana
kung kaya hihintayin ko
ang kanyang pagtila
dahil natitiyak ko
lilinaw din ang lahat
pagkatapos niyang linisin at tangayin
ang lahat lahat
ang sakit
ang pagod
ang hirap
ang mga libag na sa katawan nagpala
ang mga pawis
ang mga luha
ang mga muta
ang mga pasakit
ang mga nagkukunwaring ngiti
ang mga mapait na halik ng paglisan
ang mga awit
ang mga paglalakbay
ang lahat lahat ng dalamhati
at pagkalugod
ang pagkalanta
ang pagkalusaw
ang lahat lahat
lahat lahat...
pabalik sa lupa
pabalik sa tunay na dapat maging malaya
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento