Biyernes, Nobyembre 21, 2008

[tula] sa mga bata sa piketlayn^

musmos pa silang matuturing nitong lipunan
edad apat, lima, pito, labingdalawang taon?
ang iba'y natuto pa lang bumilang
iyong iba'y natutunan pa lang isulat ang kanilang pangalan

iisipin mo ngang di nila naiintindihan
kung bakit sa murang edad
sila'y nasa piketlayn
pero hayun at hawak ay mga placards at posters ng paglaban
at madalas pa ngang nangunguna sa pagsigaw ng mga panawagan
mga karapatan sa trabahong ipinaglalaban
ng kanilang mga ama at ina
na ngayon ay tinanggal ng ganid kapitalista
mga lehitimong karapatang pinagkait sa mahabang panahon
kasabwat ang gobyernong mapagsamantala

maaaring bata nga sila
pero masasalamin mo sa mura nilang mga mata
ang kahandaang lumaban para sa karapatang
maging sila ay unti-unting inaalisan
masisilay mo sa kanilang mga mata
ang musmos na pang-unawang wasto ang kanilang pagsama
na hindi usapin kung bata ka sa pakikibaka
ang mahalaga ay paninindigan at paglaban
para sa pangarap na makatarungang umaga



-^ang tulang 'sa mga bata sa piketlayn' ay alay kina may, jomar, daniel at sa mga anak ng mga manggagawa sa kowloon house na kasalukuyan dalawang buwang mahigit nang nakawelga. at alay na din sa iba pang anak ng mga manggagawang sa murang gulang ay nakikiisa at nakikisangkot sa pakikibaka ng mga manggagawa, ng mamamayang pinagsasamantalahan. "ang lipunan ay isang pakikiwelga. kailangan ang iyong pakikiisa."


Image by FlamingText.com


Walang komento: