Linggo, Nobyembre 30, 2008

rebolusyon

mahal naman kitang talaga.
mahal na mahal.
mahal na handa akong mabuhay para sa iyo.
mahal na mahal.
mahal na handa kong tiisin ang hirap at lumbay at pait.
tiisin ang bawat pasa at galos at sugat.

mahal kita na handa akong masaktan.
mahal kita na maaaring hindi ako maubusan ng dahilan.
o mahal kita at maaaring takasan ako ng mga batayan.
subalit mahal kitang tunay.
alam ko at naniniwala ako.
hindi naman palaging may batayan ang lahat.
sapagkat minsan mahirap ipaliwanang ang ilang nadarama.
subalit alam kong ito ay wasto.
at ipagpapatuloy ko itong sundin.
ang ikaw ay patuloy na ibigin.

doon kita natatagpuan
sa bawat ngiti ng mga batang paslit
doon sa mga maralitang komunidad
sa mga pagbating sumasalubong
doon sa kanayunan
sa piling ng mga magsasaka
mangingisda at maging ng mga katutubo
sa kanilang mga pag-aalala
doon kita natagpuan
sa mga armas na tinanganan
para ipaglaban ang paglaya ng mamamayan
para isulong ang kanilang karapatan
para sa masa at hindi sa pansariling ibig matamasa

sa bawat tawanan at pagluha
sa bawat pagkain at gutom
sa mga tingin ng mga matang malungkot
at nasasaktan at kumakalam ang tiyan
doon kita natatagpuan
at dahil nga doon
minamahal

mahal kita
sa gitna ng hirap
at pasakit at kalungkutan
mahal kita sa gitna ng mga ngiti
at pagtawa at halakhak

at alam ko mahal kita
hindi sa mga salitang binibigkas
dahil alam kong hindi laging 'i love you'
ang kailangang marinig
at hindi laging sa bibig
pinapatunayan ang pag-ibig
hindi sa mga paghahawak o halik
hindi sa pagsasama at pagsasanib
hindi sa ibabaw ng kama at ang paglalapit
sapagkat ang pag-ibig ay pag-ibig
hindi nakakahon at nakapinid
sapagkat ang pag-ibig ay paglaya
at ang paglaya ay pagiging payapa
at ang pag-ibig ay makikita
sa gitna ng digma


Image by FlamingText.com


Walang komento: