ang gandang nagtatago
sa likod ng mga ngiti
nang nagugutom na mga labi
sapagkat hindi maaaring ikubli
ang sakit sa bawat pagngiti
kahit ng mga pangakong yaman
at pinangangalandakang kaunlaran
na pinipilit nilang ihabi
sa mga pahayagan at telebisyon
sa mga radyo at malalaking tarpaulin
hayaan mong iguhit ko
ang gandang nagtatago
sa mga mukhang namimilipit sa sakit
dahil sa gutom na sikmura
at bitukang nagwawala
gandang nagtatago sa mga binusabos
at inalisan ng karapatang mabuhay
ng marangal at maginhawa
hayaan mong iguhit ko.
at sana...
sana
maibigan mo
hindi ako bihasa sa mga kulay
at maging sa mala-dibuhong pagguhit
subalit ang mabigyang hustisya
silang larawan ng hirap at dusa
aking sisikapin na maantig
ang bawat damdamin
ninyong lahat na makakabasa
ng simpleng obrang
mula sa mga titik
at kahit ng sinaunang alibata
pagmasdan ninyong iguhit ko
ang kahirapan at pambubusabos
at sa huli masdan ninyong iguhit ko
ang digmaan at rebolusyon
na lalahukan ng sambayanang magbabangon
isang lipunang makatarungan at makatao
isang lipunang sosyalismo
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento