maaaring malungkot talaga ang mga luha
at tila di mapapatid na mga pisi
ang kanilang pagdaloy sa pisngi
animo talon na walang habas sa pagbugso
animo tubig na sumisirit dulot ng hapdi nang paglayo
nagbabadya ang bawat segundo
at sanhi nito ibayo pang pagdaloy
hindi lang ng bigat ng pangamba
kundi ang nabibilang na panahon
na mawawalay tayo sa isa't-isa
maaaring ngang hindi na muling magkita
ang ating mga puso di na magniniig
hindi na muling magyayakap ang mga bisig
subalit baun-baon ang inyong ala-ala
yaong masaya at malumbay na pagsasama
maaaring hindi na maririnig ang inyong tinig
ang masasayang tawanan at mga himig
subalit huwag nawang malunod sa lumbay
sapagkat laksang mga tinig at ngiti at mga kwento
ng pakikibaka at pag-ibig ang ating maririnig
makikita ko pa din ang inyong mga mukha
at alam kong ako sa inyo'y ganun din
sa mukha ng masang ating patuloy na mamahalin
andoon ako at maging kayo nakatitig ng mataimtim
kaya magpakatatag sa napipintong pag-alis
hanggang sa susunod na pagkikita
hanggang sa kung saan man tayo magkasama
hindi ko malilimot ang mga oras
babaunin ko ang mga matatamis na alaala
makulay na kabanata patungong tagumpay
*panamilit = salitang mula sa bisaya na ang ibig sabihin ay paalam.
"...sapagkat ang paglisan ay hindi katapusan.
ito ay pagsisimula pa lamang.
para sa mga nalalapit na paglisan."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento