Linggo, Setyembre 14, 2008

puno

may talim ang iyong mga dahon
na sumibol sa iyong mga sanga
at hinaharana ng mga maya
ang mga bagong usbong
upang maging masigla
ang luntiang katangian
at magbigay lilim sa kainitan
ng katanghalian at hapon
at maging ng karimlan

kay sigla ng iyong umagang
pinaliliguan ng mga hamog
nang nagdaang mga bituing
nag-iwan ng mga luhang
sa puso'y natigib na pulot
dulot ng bigat sa di nila nais na paglisan
at pagnanais na sumanib
sa umagang unti-unti
palayong naglalakad

pinapaypayan ka ng hangin
kasabay ng kanyang sumisipol na awit
upang i-hele ka't
yumabong ng mainam sa paglaon

at sa panahon ng pag-ulan
higit kitang hinahangaan
dahil sa tatag na iyong tangan
di ka natitinag sa pagkapit
na pag-asa ay makakamit
hanggang sa ilalim ng lupa
naka-ugat ng mahigpit.


Image by FlamingText.com


Walang komento: