Lunes, Marso 31, 2008
minsan usap tayo
dulot ng pagkabigo sa bagay
na pinangarap mong makamit.
...pero ano nga ba ang mas masakit
kaysa sa bayang patuloy na nilulupig
ang yaman at dangal
hanggang ang matira na lang sa mamamayan
kalansay ng kahapong kayamanan?
may sandaling raragasa ang luha
dulot ng pait ng dusa at hirap
sa buhay na iyong pinagdadaanan.
...ngunit ano nga ba ang higit na mapait
kaysa sa mga magsasakang inagawan
ng tangi nilang yamang lupang sakahan?
na kasabay na inagaw ang iwing buhay
na humandusay na sa lupa't
naging pataba
na di pa nasapatan pati dugo nila'y
idinamay at dinilig sa bukid
na kay laon ng pinagkait sa tunay na
nagtatangkilik
...ngunit ano nga ba ang higit na mapait
kaysa sa mga manggagawang pinagkaitan
ng karapatan sa dagdag na sahod at benepisyong
makatarungan lamang na kanilang makamtan?
na sa paglaban nila para sa karapatang ito'y
malagim na pagkautas ang sa kanila'y ibinigay
kung di pagkatanggal sa trabaho
kalunos-lunos na pagkamatay
mula sa kamay ng mga bayarang berdugong
ginamit ng mga punyetang may-ari
ng mga pagawaan
...ngunit ano nga ba ang higit na mapait
kaysa sa mga kabataan itinulak palayo
sa karapatang edukasyon?
hayun at nasa lansangan nanlilimahid sa
dungis at panlilibak nitong mapanghusgang lipunan...
hayun at nasa lansangan nagtitinda ng sampagita at sigarilyo
habang nakayapak sa kainitan ng araw
may maipakain lang sa nagwawalang alaga
sa sikmurang kumakalam sa loob ng ilang araw...
hayun at nasa lansangan nagbebenta ng sariling laman
upang may maipantustos lang sa inaasam na
magandang kinabukasan na ngayon lalo
pang pinagsasamantalahan ng mga kapitalistang nagpapanggap
na edukador diumano nitong bayan...
...ngunit ano nga ba ang higit na mapait
kaysa sa mamamayang inalisan
ng tahanang masisilungan sa gitna ng
kawalan ng maayos na kabuhayan?
akala mo'y hayop na sinipa palayo
sa kanyang teritoryong kinalalagyan
na ultimo ang kanilang kahariang kariton
pilit sinira't inagaw ng mga ganid na panginoon
binaklas ang palasyo nilang ang
bubungan ay kinakalawang na lata ng kahirapan
at ang pader ay natatabingan lang ng karton
at gutay-gutay na retaso ng pagsasamantala
na ang sahig na tinutungtungan ay malamig na burak
nang kay bangong esterong nag-uumapaw sa basura
ng sanglibo't-sanglaksang pang-aamis ng
may kapangyarihan
may pagkakataong papatak ang luha
dulot ng antak ng paglisan
na hiniling mong di na sana
dumating pa sa iyong paanan...
subalit ano nga ba ang higit na masakit
kaysa sa bayang patuloy na inaagawan
ng buhay at lakas?
at kahit ang labí ng animo bangkay
na kayamanan pilit pang kinakatasan
ng ibayo pa nilang kapakinabangan
silang mga ganid at hayok sa ari-arian at puhunan
marahil nga nasasaktan din ako...
marahil nga nahihirapan din ako...
marahil nga nanghihina din ako...
pero sabi ko nga,
di mo dapat itong makita
lalo sa panahong kailangan matatag tayo't lumalaban
at habang ang masa ay nakikitang mong nahihirapan
at patuloy na pinagsasamantalahan
kailangan ang tatag ng kalooban
para makibaka at lumaban
kaya natin 'to
hindi ba?
alam ko kaya mo yan...
walang panahon sa paghinto.
walang panahon sa pag-atras.
hindi ngayon.
hindi bukas.
hindi kailanman.
-ni maria baleriz
*sana nga mainam itong paraan. sana mapaunlakan mo ako. at minsan usap tayo. pag-isipan mo.
Linggo, Marso 30, 2008
delubyo
bakit tila lumulubog sa kawalan ang isip ko't pagkatao
ngayon nais kong marinig mula sayo
ang sagot bakit tila kay sakit ng katahimikan dito
dito sa isip na akala mo'y naglalangitngit na bisagra ng bartolinang bato
kahit isang kataga nais kong marinig
sa iyong bibig iluwal nawa ang malamig na tinig
na yayakap sa pagod ng katawan at isip
pakiusap ako'y kanlungin mo sa iyong busilak na pag-ibig
at kasabay ng mga luhang sa mga mata ko'y namumuo
ipaunawa mo sa akin ang mga bagay na gumugulo
tila bulkang sumabog sa gitna ng buhawi't malakas na bagyo
dalangin ko'y tumigil na ang pagpintig nitong puso
kasabay ng paghinto nitong hangin sa aking dibdib
at marahang pinipikit itong mulat kong isip
halikan mo ng tugon itong aking magulong katayuan
at sana makita kita sa pagkawala ng kulay ko't katinuan
doon sa kailaliman ng aking dusa at pangamba
sagipin mo ako sa delubyong sa aki'y sumasalanta
gawin mo na ng maagap bago pa ako panawan ng hininga
at tuluyan ng di ko makita ang tagumpay ng pakikibaka
*ni maria baleriz
pintig
"...malapit ng maghingalo
itong pagtibok ng puso.
at baka isang araw
wala ng pag-ibig na bumugso
medyo may kaba nang ditoy nananahan
at ang dugo tuloy
umaakyat sa aking ulunan
kaya madalas ang sarili
nakikitang tulala na naman
nakatanaw sa kawalan
iniisip ay ang bayan
ang masa
at siya
siya
...na akin na ngang minamahal..."
minamasdan ka
habang nakatayo sa di kalayuan
dinadama ang harding tuyot sa kagandahan
samantalang isang libong mga dahon at talulot
marahang bumababa
tila duyang umuugoy
sa pagsipol ng hanging yumayakap sa patâng katawan
at aking inaninag ang maulap
na himpapawid
wari mo'y nababanaag ang isang tabing
malamlam ang gunita ng nakaraan
at higit pang kumulimlim
ng marahang maipon ang mga luhang
nagsimula ng lumambong
sa mga matang di na nais
pang makasaksi
ng ibayo pang pagdurusa ng mamamayan
malapit ng maghingalo
itong pagtibok ng puso
at baka isang araw
wala ng pag-ibig na bumugso
medyo may kaba nang ditoy nananahan
at ang dugo tuloy
umaakyat sa aking ulunan
kaya madalas ang sarili
nakikitang tulala na naman
nakatanaw sa kawalan
iniisip ay ang bayan
ang masa
at siya
siya
na akin na ngang minamahal
pikit matang kong dinama ang
mahinang pagkabog sa dibdib
at naisip ko ang masalimuot na
daan
ng pakikibakang ating sinuong
para sa pangarap na kalayaan
at sa marahang pagmulat
muli kagyat akong pumikit
at siya ang aking inisip
at ang naghihingalong pintig
nitong pusong iniibig
ang bayan
ang masa
at siya
siya
na ngayon ay kalong
ang nanghihina kong katawan
at nasa kalinga
ng mapag-aruga niyang bisig
waring lumuluha
pati ang langit sa amin
animo'y nakikiramay
dinilig ang pagbugso ng damdaming
lipos ng umaapaw na pagmamahal
sa bayan
sa masa
at sa kanya
na akin na ngang iniibig
alam ko
at marahan kong pinakiramdaman
ang bawat pagluha ng langit
na sa aking pagkalalang ay nagpala
kasabay ng pagdama ko sa
mapag-arugang kamay
ng sintang nakatakda kong lisan
na ngayon umaawit ng hinagpis
kasabay ng patak ng ulan
alam ko
lumuluha siyang totoo
ng pag-ibig
para sa bayan
para sa masa
at sa akin
ako
na marahan ng tinatakasan
ng paghinga at paglaban
-ni maria baleriz
lalaban ako
tila bumabaha ng mga letra
at ang mga kataga rumaragasa
upang singilin ang talagang may sala
hayun at inuusig
sa mga pahayagan naka-kuartel
ang sanglibo't sanglaksa
mga dugo at pawis na nawala
pumatak
sumirit
naglahong akala mo bula
pero asan ang katarungan
sabi nila nakapiring
pero bakit ngayon ay nakasilip
at sa mga naghahari nakatingin
inaresto'y mga obrero
mga pesante't musmos sa kanto
kasalanan na ba mamalimos?
ng katarungan para sa kumakalam na sikmura
kasalanan na ba kumilos?
para usigin ang mga punyetang panginoon.
na hanggang ngayon.
na hanggang ngayon.
kinakamkam ang lupa
ng mga taga-bukid at nayon
na hanggang ngayon.
bulldozer at pison at tangke
at batalyon ng mga sundalo
ang panghawan sa mga inalisan ng tirahan...
sa mga tunay na nagpayaman sa
mga pinatag na lupang sakahan
at sa mga nagugutom
na patuloy sa paghiyaw ang
mga nagmamarakulyong bituka
sanhi ng pagkaing madalang ang
pagdaan sa kanila
na akala mo nag-aantay ka
ng nyebeng pumatak sa
disyerto ng mga inapi
wala na ang dating banhay
marami ng naglaho at humandusay na katawan
daig pa ang hayop na kinatay
niluray ang dangal at pagkalalang
marami ng dugong dumilig sa lupang
tanging kayamanan
inagaw pa ng mga sakim at gahaman
wala na nga ang awitan nila
napalitan na ng pagluha
ng mga kandila
ng mga bulaklak
ngayon ay bumabaha
ng pagdadalamahati at awa
wala na nga ang mga tula nila
napalitan na ng ataol ng kahibangan
at pagkaganid
na ikinahon sa mga lumalaban
wala na nga ang mga ngiti
napalis na't napalitan na
ng galit
ng mga nakakuyom na mga kamao
at nagtitiim-bagang ng mukha ng poot
wala na nga ang mga masayang gunita
sandaling kumupas sa harapan
ng kalagayang hindi man
matanggap
batid na magaganap
at ang tangi naiisip
at nabulalas
kasama ng sambayanang
nakikibaka para sa tunay na kalayaan
"lalaban ako"
-maria baleriz
nag-aalab ang iyong akda
mula sa tinig na bumigkas ng iyong
kay laon ng panaginip
na hinubog mo sa mga dahon
ng mga aklat at kwadernong
nilulumot na ng panahon
nagngangalit
lipos ng pag-ibig
makabag-damdamin
sana landasin ng iyong pluma
ang mga pagdurusa ng masang inaalipusta
hangad ko at ng marami pa na ika'y makasama
sa pakikibaka ng mamamayan gamit ang iyong mga obra
ang pagsulat mo ay hinahangaan
sa kabilang banda
sana maglingkod sa marami
at sa paglaya ng sambayanan
umiyak ka man
humiyaw
kung wala ang paglaban
para sa kalayaan
ang mga panitikan na iyong nilanguyan
ang mga tulang iyong nilakbay
ang mga epikong iyong nilipad
sa isipan ng marami
na kaibigan
kamag-aral
kakilala
kapamilya
ama
ina
at
anak
nitong bayang labis na naghihirap
mawawalan ng saysay
mawawalan ng bigat
gagapiin ang nakakadarang na init
at tila binuhusan ng isang baldeng
panghilamos sa pagod ng katawan
ang init at baga at liyab
na nilikha ng mga katha mo
kung wala
at sadyang hindi pala para sa
pakikibaka at paglaya
-maria baleriz
Sabado, Marso 29, 2008
balintataw
ng yakal doon sa luwasan
sa pagkapaos ng mga tinig
na lagi't-lagi ng humuhiyaw ng katarungan
sa paggaralgal ng mga tunog
at tugtog ng mga awit ng paglaban
sa mga lumipas na gabing
wala na atang sing lamig at pusikit
sa mga nagdaang sandaling
di ko nasaksihan
ang pagpatak ng mga butil ng pighati
mula sa mga salamin ng iyong
kaluluwa at pagniniig sa paglaban
o ang pagkunot ng isipang mapagpalaya at
kahit ang paghikab ng pagod na katawan
alam kong nadarama kita
alam kong nasilayan ka
hindi ka man kapiling
wala man sa mga pagluha
upang kahit paano pahirin ko ng pagmamahal
batid kong malapit ka lamang
at ang ganoon isipan
ang isa sa patuloy kong sandigan
kaibigan kapatid anak nitong lipunan
kaisa sa paglaya
sana sa gabing mapanglaw man ang lahat
kahit napakarami ng bituin
na sa pagsapit ng gabi
sa kalawakan nakakalat
tumingin ka sa buwan
at mula doon
alam ko
naniniwala ako
nagkita na ang ating mga paningin
ang ating mga pangarap na paglaya
nagtagpo nagtagis
malayo ka man
tila narito ka na din
kasama ng gunita ko sayo
na di kailanman mapaparam..."
Biyernes, Marso 28, 2008
sa gitna ng digma
"hayaan mong maglakbay yaring nadarama
at iguhit ng mga bulaklak ang angking
ganda
ang katapatan sa pusong pumipintig
ang dahilan ay di lang
nakapaligid
sa masa kung saan tayo naglilingkod
kung hindi dahil na din
sa mandirigmang tulad mong may mababang loob "-maria baleriz
kahit saan mapadpad
hiling ko na ikaw
manatiling panatag
at ipaubaya sa pag-asa
at damdaming binabata
hayaan mong maglakbay yaring nadarama
at iguhit ng mga bulaklak ang angking ganda
ang katapatan sa pusong pumipintig
ang dahilan ay di lang nakapaligid
sa masa kung saan tayo naglilingkod
kung hindi dahil na din
sa mandirigmang tulad mong may mababang loob
at tayo na sa karagatan
pumapalaot sa sapalaran
bitbit natin ay kamulatan
na siyang sagwan natin sa gitna ng dalampasigan
kalahok na sangkap
ang pagmamahal
na ating ibinaon sa pagsusumikap
na ating maaapuhap sa
pusod ng dagat ang tagumpay na hanap
magkalayo man sa paglalakbay
at ibartulina ng dagat
sa madilim na lalim nang kanyang ganda
huwag mangamba
sapagkat sa gitna ng digma
sa gitna ng pakikibaka
magbabalik tayo sa kalinga
ng maiinit na yakap
magtatagpong muli ang maiinit na halik
at di mo kailangang umasa
sapagkat ang katiyakan ng pagkakataong yaon
maihahalintulad sa pagsilip ng bukangliwayway
matapos ang masalimuot at pusikit na takipsilim
na naghari sa ating paligid
Huwebes, Marso 27, 2008
sisingilin ka din sa himlayan...
"...huwag kayong magulat
...huwag din
magtaka
kapag nakita kaming mga kabataan-mag-aaral
nakatipon at nandoon
sa kalsada
tila sanglaksang langay langayang nagsama
upang lagutin ang
pagsasamantala
kasama ng sambayanang nagngangalit
sa mapambusabos
ninyong sistema"
-maria baleriz
hindi na masikmura
at hindi na namin kayang tagalan
dapat ng wakasan ang
ganito
ang ganoon
ang sistemang inyong kinundisyon
sa ilang dekadang pambubusabos
at ikinahon ninyo ang sambayanan
sa pamamalakad na kayo ang
magtatamo ng limpak-limpak na ganansya
habang kaming nakakarami
naglulumuhod ng awa
nakikiamot ng kapiranggot na grasya
maitawid lang ang kumakalam na gutom ng sikmura
kahit ang halikan ang nanggigitata mong paa
tiniis namin ng ilang daang taon na nga ba...
husto na...
tama na ang iabayo pang panglilibak
tama na ang mas masahol pang pangyuyurak
sa aming kakaunting dangal na matatawag
panahon na upang magbalikwas
at madam nyo naman ang galit at bangis ng sambayanan
ang pagwasiwas ng maso at karit ng tagumpay at katarungan
tinggayad ng dugo
habang ang labi kumikinang sa saya
kaiga-igaya kahit saglit masulyap
paanong di hahanga yaring puso
gayong kahit nalulumbay
at nasa gitna ng pakikibaka
ngiti sa akin ang iyong binubunga
at kung makita mo
sa gitna ng pagdurusa
alam mong hindi habag
ang ibig kong iyong madama
ang hirap na binabata
walang sing lupit
ang kalagayan ng mamamayan
sa pagkakaayon kay kristo
bago, habang at matapos siyang ipako
sa krus
ng pagdurusa
at pagtagumpayan ang lakarin sa kalabaryo
habang ang dugong umaagos
rumaragasa mula sa pagal na katawan
ay nasisinagan ng araw
nasilayan mo ang tinggayad ng dugo
na nakatakdang dumilig sa hinagpis
nakatakdang pagyamanin
ang pakikibaka ng mamamayan
bigyang wakas ang pambubusabos
ng mga nandoon sa malakanyang
hihimpil ka lang ba dyan?
kabisado ng puso ko't gunam-gunam
kung paanong nagagalak akong ikaw ay nariyan
subalit mas ibayong lulukso ang puso
ko sa laro ng kagalakan
kung sa tinggayad ng dugo
makakasama ka naming lumalaban
bugso
sa pamilyar na bahagi ng aking pagkalalang
doon sa kung saan ang dugo mo man
nagsisimulang umagos at lumaban
doon sa kung saan iyong nadarama:
ang malungkot
ang lumuha
ang mahabag
ang masuklam
ang mangiti
ang maging masaya
ang tumayo para lumaban
ang maglingkod para sa interes
ng masang binubusabos inaalipusta
...pero higit sa lahat ang madama mo
ang magmahal
kasabay ng pagbaybay ng isip
sa magandang kulay at hugis
sa mga obrang iyong kaniig
sa bawat pagbubuno ng mga titik at awit
na din man nakikita ng paningin
alam mo
batid mong kay sarap namnamin
subalit paano
paano iguguhit nitong pagod kong isip
yaring damdaming kanyang pinipinta
kung ang iyong puso kahit noon pa
pinto ng pagmamahal ay mahigpit ng isinara
-maria baleriz
Biyernes, Marso 21, 2008
dalamhati...
at hayaan mong dumaloy
ang bumabalong luha
mula sa puso mong animo'y dinurog
bunga ng kanyang pagpanaw
maagang pagkawala
ngayon pinagbuti ang agunyas
na siyang naging musika
lumalakas
tila along humahampas sa mga batuhan
tila latigong humahagupit sa lapnos na balat
pero matatag pa din
sumusuong
bumabangga
sa hamon na pakikibaka
sa paglaban
ang mga aral ng iyong kasaysayan
patuloy naming babaybayin
laging bibitbitin
sa puso't isip
di kailanman mawawaglit
sapagkat katawan mo lamang ang nawala
hindi ang prinsipyong ating ipinaglalaban
hindi ang pakikibaka natin para sa mamamayan
hindi ang pangarap nating paglaya
para sa bayang binubusabos
bitag
inakalang sa pagtuklas ng karunungan iyo itong masusumpungan
subalit sa iyong paggalugad marahan kang nasasadlak
pilapil ng pagkaganid ang iyong binabagtas
mithi mong paglaya sa kumunoy bumabagsak
sapagkat di mo namamalayan nahuhulog ka na sa bitag
nang pinasok mong walang paghahanda't pag-iingat
ang patibong na nilikha ng mga imperyalistang pasista at gahaman
ika'y tila biik na nasa koral
sa loob ng apat na sulok ng paaralan
alaga sa kalinga kahit nakasadlak ka sa putikan
at sa tamang panahon
ika'y kanilang pakikinabangan
hanggang lahat mong pinaghirapan
di mo namamalayan
sa trahedya na hahantong at isusulat ng kasaysayan
-maria baleriz
may nakasulat bang pagkabigo?
kaya naman napukaw mo yaring mga mata
phikang totoo sa anyo at ganda
subalit ng masimulang masilayan
ang ibong anong rikit ay kaiga-igaya
tila nabato-balani ang pusong nangangamba
hiling ko'y maglagi dito sa aking kalinga
at maipamalas ko ang pag-aaruga
pagmamahal na inaalay ko sa bansa
sa mamamayan na aking sinilangan
katuwang ng hatid mong sigla
samahan mo akong bathin ang kahit anong hirap at pagdurusa
'pagkat batid kong unawa mo
ang laganap na pagsasamantala
at kagaya ko at ng maraming iba pa
nakahanda kang mag-ambag sa pakikibaka
kaya sana magkasama
hawak kamay nating bitbitin ang armas
ng pakikibaka
Linggo, Marso 16, 2008
kay bata pa niya...
sagot na inaapuhap
sa isang lubid nahanap
bago nagsulat muna ng huling habilin
para sa mga iiwanan kayamanang angkin
na sa murang edad maaaring ganito:
inari nyang lahat sa kanyang pangarap
sa edad na dose anyos
ginampanan niya sa kasaysayan
ang sa palagay nya'y mahalagang amabag niya sa lipunan
subalit sana may mga diwang magising
sa dumadagundong na panawagan
ngayon kayo magyabang
ngayon kayo magdahilan
pihadong ng mga kabuktutan
hindi pa ba sapat na panggising
na panawagan
ang buhay ng batang nagpatiwakal
sanhi ng labis na kahirapan
at kayo diyang nasa malkanyang
ang isa sa may napakalaking kasalanan
tulak na din ng labis ninyong
pagiging sunod-sunuran
sa mga imperyalistang ganid sa yaman
ang lubid na kanyang ginamit
mainam marahil na sa inyo ipahatid
at isakatuparan ang hustisyang hatol
para sa mamamayang inyong binusabos
na kapara ng dose anyos na bata
binigti ninyo sa kahirapan
*alay sa batang si mariannet
para sa iyo din...kasama
nababalot ng talinghaga
hindi sapat ang isang kataga
upang iguhit kung sino kang talaga
bilang isang kaibigan,kapatid,anak at kasama.
kulang ang mga titik na pinagkumbina
upang ilarawan kung paano nakakadama.
nalulungkot.sumasaya.
nagagalit.naiirita.
ngumingiti.sumisimangot.
nagugulat.nangangamba.
nagtitiis.natatakot.
kung paanong ang isang iikaw ay nasasaktan
nahuhulog
at nagkakagusto
kasama
sana alam ko
pero ako lang ito
isang kung sino
madalas sa kanto noong araw
laman ng lansangan na madalas bagtasin
kasama ng mga manggagawa
kasama ng mga magsasaka
kasama ng mga tagalungsod na maralita
kasama ng mga guro at propesyunal na iba pa
sa kainitan ng araw
amoy pawis
humihiyaw
tumutugon
sa panawagan
na pakikibaka
para sa pagkamit ng tunay na karapatan at paglaya
ng malawak na bilang ng mamamayang biktima...tayong mga biktima
mga inamis at binusabos nitong mapagsamantalang sistema
ng mga ganid na panginoon at pasista...
ako lang ito
ako lang ito
sa aking PAG-IBIG
hindi lang para sa pinaglilingkuran nating masa
hindi lang para sa pinaglilingkuran nating rebolusyon
kung hindi
para sa iyo din... kasama
umid
haplusin ang pusog napagod sa paglingap
nawa'y tulutan mo itong nangangahas
nangangamba man at natatakot
sa pagkabigong ano mang oras
babalandra sa aking harap
at sa paanan ko'y magsisimulang humawak
na mapakinggan
sa kanyang diskursong
nais ibulalas
piling akda
Ang paghinto ba bunga ng pagod
Pag-atras ang kahulugan?
At ang pagbitaw ba sa posisyong tangan
Karuwagan?
Minsan higit na masarap ang maging tagasunod
Maging simpleng kawal
Sapagkat sa ganitong paraan
Maaari ka pa din na makagampan
Kahit ang pinakamataas na posisyong nalalaman
Habang nakalapat ang dalawang paa sa lupa
Kasama ng sambayanan
Higit na mainam ang ganito
Kaysa naman sa posisyong hawak mo
Subalit hiwalay ka naman sa malawak na nasasakupan mo
ang masang siyang tunay na
Tagapaglikha ng kasaysayan ng pagbabago
-maria baleriz
II - class love
Nagising ako isang araw
Tila ba nananaginip
At sa aking kokote
May itinatanong pilit
Sa gitna ng pagkilos
Kasama ng malawak na masang inaapi
Sa kabila ng nilahukang halos
Di mabilang na taon ng pakikibaka
Walang anu-ano’y naitanong kita..
At kung paano nga ba sumibol itong nadarama?
-severino hermoso
III - sa iyong balintataw
Salamat sa di mabilang na mga dahilan
Sa mga oras na lumipas at itinuro mo sa aking maging mapangahas
Sa ano mang panganib na sa ati’y dadaan
Ikaw ay isa sa mga lakas na aming pinaghuhugutan
Salamat sa di mabilang na mga batayan
Sa mga oras na kami’y nalulumbay
Saya ang dulot mo sa mga matang matatamlay
Salamat sa di mabilang na mga batayan
Sa mga panahong gutom ay natitikman
Laging ikaw ay nakikibahagi
Para kahit papaano
Maibsan ang pagkalam ng tiyan
Salamat sa mga malulungkot na sandali
Na tayo’y nagkasalo
Sa mga masasayang pagkakataong
Itinatawid natin ang hirap dito sa ating mundo
Salamat at itinuro mo kung paano maging matapang
Salamat sa mga di mabilang na kwento
Awitian at tuksuhan
At maging ang mga iyakan
Sa mga nakakatakot at nakakatawa
Sa mga mahihirap at kahit sa mga kakaiba
Salamat at nandoon ka
Upang umagapay at makasama
Makaambag ng lakas sa pakikibaka
Salamat sa mga alaala
Sa mga natutunan na di ipinagdamot
Sa kwento mo masaya man o malungkot
Salamat sa iyong oras
Na matama kang nakikinig
At mataimtim kang natuto
Sa hamon ng ngayon at bukas
Sa pakikibaka ng mga magsasakang inagaan ng lupa at yaman
Ng mga manggagawang pinagkaitan ng kanilang sahod at krapatan
Ng mga kabataang-estudyanteng pinagdamutan ng edukasyon
At ng mga maralitang tagalungsod na inalisan g pagkakataon
Manirahan sa bahay na masisilungan
At pangkabuhayang pantawid sa kanilang ilang araw na gutom
Maraming salamat sa ipinahiram mong oras at panahon
Na makilala’t makasama ang isang huwarang ikaw
Anak.Kapatid.pinsan.pamangkin.apo.kaibigan.karelasyon.kasama.
Salamat sa mga ngiti at maging sa malungkot na sandali
Makakaasa ka
Magpapatuloy ang pakikibaka
Ang paglaban ng mamamayan para sa tunay na paglaya
-maria baleriz
Linggo, Marso 9, 2008
babae
higit pa sa isang maria clara
ikaw ay isang gabriela
sa armas ay mahigpit na tatangan
titindig
makikipagbuno
sa bawat pagkakataong nilalapastangan
inaabuso
katulad mo ay si tandang sora
sa kalinga mo inihele ang mundo
mapagpasensyang tinatangan
ang sakit ng lipunan
kahit pa ito ang nagpapahirap sa iyo
maihahanay ka sa mga tulad nila
at ng marami pang iba na tumindig
nakibaka
sapagkat hindi pagluha ang iyong kayang gawin
sa bawat pagkakataong nasasaktan
at inaapi man din
kaya mong lumaban para sa ipinagkait
na karapatan
ng lipunang ito na akala ng marami
para lang sa kalalakihan
at sa panahong pambubusabos ang ipinalalaganap
maagap kang kumikilos upang
pag-asa ay maapuhap
kaagapay ka sa pagbuo ng lipunang
hinahanap
na para sa kapakinabangan ng sambayanang
ngayon ay nilulugmok sa hirap
sa iyo iniluluwal ang ibayong tapang
mula sa matris mo sumisibol ang paglaban
hindi lang luha
o paghikbi ang iyong larawan
kundi lakas at paglaban para sa karapatan
para sa paglaya
sapagkat ang paglaya mo
ay paglaya din naman
ng sambayanang lango sa huwad ng kapangyarihan
paglaya ng lahat mula sa bartulina
ng pagsasamantala
babae
sa sinapupunan mo iniluwal
ang sambayanan
at sa daang libong taong
humahagupit ang pang-aamis
sa daang libong taong
iginuguhit ang di mabilang na paghihinagpis
bunga ng pang-aapi
at pambubusabos ng mga panginoong ganid
sa sinapupunan mo din sisibol
ang paglaya ng mamamayan
-maria baleriz
lupa
sa bawat araw na nagdadaan
at sa iyong sinapupunan
animo sila ay iniluwal
ikaw ang lupa kung
makapagsasalita lang
natitiyak kong humahagulgul ka
habang iyong sinasambit
ang nagpupuyos mong galit
sa mga panginoong sa iyo ay gumamit
upang pagsamantalahan ng higit
ang mahal mong anakpawis
na sa tiyaga at sipag
wala nang hihigit
upang ikaw ay pagyamanin
at patuloy pang yumabong
ang iyong gandang angkin
saan nga ba hahantong
ang di mabilang na kasaysayan
na mula sa iyo ay sumibol
at pinagyaman?
saan nga ba hahantong
ang di mabilang na alamat
na mula sa iyo ay nahimlay
at pumanaw?
kailan nga ba makakamit
ang hustisyang hinahanap?
kailan nga ba makikita
ang sagot na sinisisid
sa kailaliman ng kasaysayang
nakabalabal sa iyong himlayan?
ilang dugo pa ba ang kailangan dumilig
sa iyong mayamang bisig?
upang umusbong ang pag-asa ng paglayang
sa puso'y ipinagkait?
ang dugo'y patuloy na aagos
at sa iyo didilig
papatirin ang uhaw ng pambubusabos
hihilamusan ng pawis ng daang-taong paglaban
hindi kailanman mapaparam
hindi kailanman mapapagal
hanggang ang araw sa silangan
nananatiling mapanglaw
patuloy na lalaban
ang mamamayang kinadena sa pagsasamantala
at kahirapan
hanggang ang pagpula ng araw
ay dahan-dahang mapalitan
ng doradong sinag ng kalayaan
-'lupa', piping walang kamay
Miyerkules, Marso 5, 2008
maybahay
ang aking mga titik
sa isang ina din naman
na naging halimaw
at ngayon ay nasa palasyo
nakabalatkayo ang demonyo
nagbihis ng magarang damit
subalit walang sing baho
ang bawat pagbukas ng bibig
batbat ng kasinungalingan
hindi na iginalang
mga ina ng tahanan
"isa ka lamang ina ng tahanan, ako ang presidente."
wlang sing sakit ang mapanlait mong tinuran
sa isang banda
kailan ka pa naging presidente?!
nakalimutan mo na ba ang "hello garci"?
sobrang kapal na ng mukha
tumakip na yata mga mata
nalimot mo na ba ang iyong butihing ina
sa mga binigkas mo
nilait mo na din siya
siya na nagluwal sa iyo
marahil kong nabubuhay lamang siya
ano kaya ang masasabi niya?
ilaw ng tahanan
mga butihing maybahay
mga ina sa buong mundo
lahat ng tao dumaan at iniluwal
sa sinapupunan nila
maging doktor
o inhinyero
o paham
o presidente ka pa
wala kang maipagyayabang
sa mga ina
kaya kung may natitira pa
kahit gabutil ng hiya
bumaba ka na dyan
sa napakataas mong kinalalagyan
at panagutan ang iyong
di mabilang na kasalanan
sa mamamayan...
Lunes, Marso 3, 2008
tama nga marahil
naghahanap ng pagkain ang maraming bibig
ang mga dila naghihintay nang maiinom
maraming mga balat na nanlilimahid
maraming mga isip ang pagod
maraming mga puso ang labis nang nasasaktan
kay raming pinagkaitan ng karapatan
sa buhay edukasyon kalusugan
maayos na masisilungan
salat sa matatawag na tahanan
wala sila ni isa mang yaman
sapagkat yaong namumuno
inagaw na ang pwesto
ninakawan pa ang mamamayan
siguro nga
ang mga binanggit
kahit ipagkaila mo
ay gumuhit ng latay sa isipan
at kahit papaano
nakatulong
para magbigay ng isang malinaw
at mahusay na opinyon
ng desisyon
tama nga marahil
tama nga marahil
kung ang masa
lumaban
at
magrebolusyon
Linggo, Marso 2, 2008
ngiti.ahitasyon.gawain.
turuan mo akong sa twina'y iguhit ito
sa mukhang animo laging aburido
sa araw-araw na problema nitong mundo
nitong lipunang kung saan nabubuhay sila at tayo
tulungan mo akong maging mahusay sa pagpinta nito
lalo na sa panahong mahirap iguhit ang linya at kurbadang ito
sa mukha ng tulad mo at mundong problemado
sa lipunang nilipos ng pagsasamantala at pang-aagrabyado
ng mga sakim sa yaman at kapangyarihan sa pwesto
ahitasyon.
nawa'y mamutawi ito sa bawat pagkakataon
sa katawan kong bugbog na sa pambubusabos ng mga ganid na panginoon
sa labi kong labis ng napapagal
sa puso kong labis ng nasasaktan
sa isip kong labis ng nahihirapan
sa mga mata kong labis nang iritado sa mga larawan ng pagsasamantala at korapsyon at kasinungalingan
nawa'y agapayan mo't ibayong pagningasin
ang baga ng nagpupuyos na damdamin
upang mag-apoy ito't higit pang pag-alabin
ang pakikibaka ng mamamayan
para sa pagkamit ng tunay at wagas na kalayaan at kaunlaran
na para sa lahat at hindi sa iilan
gawain.
tulungan mo akong magpakahusay sa gawain
at sa kasaysayan maingat na iguhit natin
ang ating ambag sa pakikibaka ng sambayanang inaalipin
upang sa malapit na hinaharap tagumpay ay kamtin
at sisikat ang pulang araw ng paglaya natin
gabayan mo akong huwag panghinaan ng loob
kung ako man ay magkamali sa daang ating sinusuyod
batid kong lahat naman tayo'y nagpapanibagong hubog
subalit mahalaga pa din ikaw ay kasabay ko
at di lang basta kasunod
at sana
sana
kagaya ng ating sinusuong
pasulong tayong gagaod
dumanas man ng lungkot
ng hirap at pagod
ng masalimuot na pagpanaw
at kahit anong unos
hindi tayo susuko
hindi tayo magtatago
sa hawla ng karuwagan
at mga binasag na pangako
patuloy tayong maglilingkod
sa sambayanan at rebolusyon
Sabado, Marso 1, 2008
diskurso ng api
ng mga magsasaka?
ng mga manggagawa?
ng mga kababaihan?
ng mga katutubo't iba't-ibang tribo?
ng mga kristyano?
ng mga muslim?
ng mga maralitang walang makain pa din?
ng mga kabataan-mag-aaral?
ano nga ba ang silbi ng mamamayan?
ang maging tagapakinig ng inyong mga gawa-gawang kwento?
tagabasa ng inyong mga obrang libro
mga aklat ng kabuktutan at kasinungalingan?
tagasubaybay ng kasayasayng binaluktot ninyo
para sa kapakinabangan
ng amo ninyong imperyalista
na lahat ata ng pagkaganid at pambubusbos
sa mamamayan ay tinipon na?
ano nga ba ang silbi ng kabataan-mag-aaral?
maging tagasunod ng inyong mga maling aral
tagatango sa mga bawat ninyong pangaral?
na animo mo'y pinamahalaan ninyo ng tapat
itong gobyerno na dapat sanay para sa masa
para sa aming mga kabataang dapat ding bigyang halaga
ano nga ba ang silbi ng aming pagkakalalang?
ang maging sunod na biktima ng inyong kalapastanganan?
ang maging tagapakinig ng mga huwad ninyong pangako at reporma?
ang maging tagasubaybay sa bawat ninyong 'gawad' o medalya?
ano pa? ano pa ang aming silbi?
sa inyong makasariling pagnanais na sa yama'y makalaki
at kapag kami'y tumutol?
bakit kay dali ang kami'y ibundol
sa sanglaksang hukbo ng mga mersenaryong halimaw
na walang pakundangan kung mandahas
at kami'y pagsasaktan
akala mo'y karneng ipinalapa
sa mga asong hayok-sa-lamang...
darating din ang hustisya para sa amin
may araw din na kayo'y bibitayin
kayong mga tinamaan ng magaling
dyan sa palasyo ng mga mapagsamantala
kayong magkakasabwat sa pagpapahirap sa masa
kayong sa yaman at kapangyarihan ay labis kong magpahalaga
sa halip na serbisyo sa sambayanan ang inyong dala
pambubusabos at pagnanakaw ang inihahambalos
hanggang walang hininga kaming maiwang nakalupasay at nakagapos
sa lupang siya naming karapatan at ipinaglalaban
sa lupang siya naming buhay at magiging kanlungan
kapag ang katawan namin ay wala ng hininga
dahil brutal ninyong pinaslang ang aming buhay at karapatan
huwag kayong magulat ni magtaka
kapag nakita ninyo kami
nandoon sa lansangan at nagtipon
tila sanglaksang langay langayang nagsama
upang lagutin ang pagsasamantala
bitbit ay armas ng aming pakikibaka
maniningil kami sa inyong pagkakautang
hahalik sa inyo ang mga punglo ng aming paglaban
itaga ninyo
itaga ninyo
mangyayari yan
probinsyanong pintsik
nang-uusig ang bawat nilang kataga
mapanira
humahagupit
sa kaibuturan ng isip
animo lamang giniling at binayo
walang patawad silang humanay
at ang probinsyanong intsik
tila bihag na nakalinya sa firing squad
at isa isa silang nagpaputok
subalit sadyang ang takot
na sa puso naimbudo
nahilamusan ng tapang
para sa pag-abot ng kung ano ang totoo
lalo pa't ang mayorya ng masa
nasa likod at nakahandang sumuporta
sa labang susuungan
di tunay na nag-iisa
kaya ang naging baluti: ang MASA
sila na katulad mo din ay biktima
bihag ng sistema ng mga korap at mapagsamantala
nagsamasama upang maging lakas
na di tiyak kakayanin ng mga naghahari-harian
hindi naman talaga tayo santo
subalit dapat nang wakasan ang pambubusabos
ng mga nasa malakanyang
at umahon na sa ibayong pagkalulong
sulong
sama sama
wakasan ang pagsasamantala
at sumpungan ang pagbalikwas
sanglaksa lakas ng mamamayan