Lunes, Hunyo 23, 2008

"bata"

sa murang gulang nila ngayon
nakasanayan na nilang matulog ng gutom

sa murang gulang nila ngayon
maaga silang namulat sa marahas
na demolisyon

naransang matulog sa gilid ng kalsada
kung saan niyayakap sila ng lamig
at pagdurusa

nasaksihan ang eksenang animo'y bugbugan sa pelikula
narinig ang mga talumpating napakayaman sa pagmumura

napakabata pa nila
pero sa bawat bitaw ng mga kataga
tila kausap ko'y
puno ng karanasang nakasalamuha
napakatatag kung mangusap
at sa tinig niya mismo mahihinuha
kahit animo'y ibig umiyak
katatagan pa din ang ipinapakita

turuan mo ako
kung paano ba ang maging matatag
turuan mo ako
kung paano pigilan ang mga luha na wag pumatak

turan mo akong ngumiti
sa kabila ng paghihirap
turuan mo akong humarap
sa sakripisyo't pighati
turuan mo akong 'wag magsawa
at lalo't higit

turuan mo akong bumalik
sa pagkabata

sa panahong tila ang mabigat lang
ay kung paano ang galos at sugat
maghihilom agad

kaysa sa pilat ng ngayon
kay lalim ng ukang nilikha
ng pambubusabos ng mga dayo sa atin:

sa sariling lupa ay mga alipin.

Walang komento: