Lunes, Hunyo 2, 2008

pakikiramay

kay tingkad ng mga bulaklak na tumunghay sa iyo
naghuhumiyaw ng pagpupugay at pagsaludo
rosas, katleya, daisy, jasmin, sampaguita?
anu-ano pa nga ba?
ah nalulugod kahit ang mga dahon
kahit sila nakilahok sa pagtitipon
unti-unting lumuluha't dahan-dahang nananamlay
tumatangis at pinapanawan na din ng kulay

habang ang panulaan at entablado ay nagsanib
bumuhos ng mga titik at mga himig at mga awit
ang mga gabi'y nagsilbing kanlungan ng mga pagniniig
ng mga alay na akda at himig at pagtatanghal para sa iniibig
na ngayo'y taimtim na nakaratay sa kahon ng pagdadalamhati
habang mga mensahe ng mga trapo'y nagdagsaang tila pagbati
mga kaaway mo at ng sambayanan tiyak lagpas tenga ang ngiti
hayaan mo't magbabayad din sila hanggang maisip na nilang magbigti
sapagkat sisingilin sila at uusigin ng sambayanan
na para sa iyo at sa paglaya magpapatuloy na magpunyagi
sa pakikibakang ikaw at ikaw din ang nagturo
at kasamang nagtanim ng binhi

maging ang langit man ay tumaghoy ng magbukangliwayway
nakadama din ng labis na pagkalumbay
sa araw mismong ihahatid ka na
doon sa kung saan ka huling mahihimlay
pagputok pa lang ng madaling araw
nagbagsakan na ang luha mula sa alapaap
at maging ang mga langay-langayan
matamlay man din ang pakiramdam
sinikap na maglayag sa himpapawid
upang sumabay sambayanang sayo'y maghahatid
at sa hantungan mo sumusumpa ng paglaban
na magpapatuloy ang ating digmaan
hanggang ang tagumpay ay mapasa-sambayanan!

-pipingwalang kamay

Walang komento: