Lunes, Hunyo 2, 2008

Serenata

Tulungan mo akong lumapat sa lupa, sinta.
Sapagkat ang ating pag-ibig ay di gaya ng pelikula nila Marvin at Jolina.
Ipaalala mong huwag akong maghangad na lagi kang makasama
o umasang ang ating pagkikita'y lagi't laging magiging masaya.
Iharap mo sa akin ang reyalidad dahil di gaya nila,
walang katiyakang bukas ang naghihintay sa ating dalawa.

Tulungan mo akong mapagtanto, sinta
na isang biyaya ang bawat sandali na kapiling kita
sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa.
At pagdating ng panahong sa aki'y mapalayo ka,
tulungan mo akong wag lumuha at umunawa, sinta
sa paghihiwalay bilang signos ng ating larangang lumalawak pa
at ng papalapit na tagumpay nitong ating matagalang pakikibaka.

At sa ating pagtapak sa lupa saka lang mahihinuha
na sa pag-ibig nating amoy-pulbura ang harana,
hindi lang ikaw at ako ang bumubuo, sinta.
Ang sambayanan ay lagi't lagi nating kasama
Sa pagpapanday ng mga pangarap
Para sa isang silangang walang kasingpula.


*para kina alvin, ram, an, at alex

3 komento:

maria baleriz liwanag ayon kay ...

hayaan mong namnamin nila ang bawat titik...
madama mula sa talampakan paakyat sa bumbunan
na ang pag-ibig ay ito at ito
walang iba
lalo sa hanay nating mga nakikibaka
pinapanday pinagyayaman pinaghuhusay
hindi nga laging may ngiti ang mga bawat paghakbang...

kay husay. kay husay. nakuha mo ang saktong timpla.! *clap clap clap!

ngayon nais kong hubarin ang panulaang baluti
at isagaw sa mga makakarinig:

whoa..! ang astig nito! =)

jerome lacad ayon kay ...

tumpak na tumpak mads.. na-inspire talaga ako..salamat sa tula, sa paalala..=)
p.s.
unang tagalog na tula mo na nabasa ko, ang ganda..=)

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

nakakatuwa hehe! maganda!
salamat mads!