Martes, Hunyo 3, 2008

kidnap?

paano nga bang ipikit muli namumugtong mga mata?
lalo't 'di sanay na may isang nawalay sa iyong pamilya
lalo't 'di mo inaasahang maging kawawang biktima siya
nitong estadong walang 'sing duwag kung bumira

ituro mo kung paano?

na ang mga matang ito'y mahimlay sandali ng malayo sa pangamba
na ang mga matang ito'y makapaglakbay sa paraiso ng panaginip
na muling maranasan nitong mga mata kung panong mahimbing na maidlip
doon sa kanlungan ng mga pangarap na walang pagdurusa
doon sa panahong nakamit na ang hustisya
para sa kapamilya ko at ng marami pang iba

...na biktima!

masisisi mo ba kaming di makatulog sa gabi?
masisisi mo ba kaming pinuno ng pag-aalala ang isip?
kaming nalipos ng pangamba itong nagpupuyos na dibdib?
masisisi mo ba kami kung sa gobyernong ito ay masuklam at magalit!

paanong hindi?

dinaig pa ang katawang manhid na sa mga gamot at sakit?
hanggang sa mga sandaling ito walang ginawa
upang mabigyang katarungan ang maraming pagkawala
mabigyang katarungan ang maraming katawan ng lumutang
subalit hanggang ngayon nananatiling walang mukha
at wala
walang katarungan na sa kanila
at sa mga minamahal na kapamilya ay nagpala

huwag nang ipagtaka...

kung ang sambayanan ay magbangon at mag-alsa
marahil sa ganoong paraan wasto na talaga
na ang hustisyang hinahananap
matatagpuan nang ganap
pilit man humarang
mga bayarang hukbo sa aming mga harap
hindi na takot ang sa amin lalabas
kundi ang naglalagablab na pagnanais
na hustisya'y makamit
para sa mga nawalang mahal namin
at sa maraming iba pang maaaring isunod
ng gobyernong ito na siyang tunay na salarin
at siyang may motibong maghasik na ganitong lagim!

1 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Ang weird ng blogger. Hindi ako makapagkomento gamit ang account ko, walang lumalabas.

Anyway, mabuti at natapos mo ang tulang ito. Maganda ang paggamit sa point of view ng mga naiwang mahal sa buhay ng mga desaparecidos.