maaari pa ba akong pumikit?
upang nanamin ang tinig mong
kay lamyos sa pandinig
maaari pa ba akong pumikit?
upang pagmasdan ng mainam
ang mukha mong tiyak kong
matagal ko nang 'di masisilay ng personal
mukha mong sa larawan ko
na lang makikita't mapagmamasdan...
maaari pa ba akong pumikit?
at hayaang basagin ng mga talukap
ng aking mga mata ang
bumabalong luha
at ng sa gayon dahan-dahan
itong rumagasa sa aking mukha
kasabay na anudin ang sakit
na iyong pagkawala...
sa huling sandali
maaari pa ba akong pumikit?
upang sa ganoon pagkakataon
hugutin ko ang tapang na
aking maaapuhap sa dilim ng sandali
kung saan ika'y mas malinaw kong
makikita at inspirasyon bibitbitin
sa aking muling pagmulat sa lipunang
itong binatbat ng pasakit at paghihirap
ng pambubusabos ng mga dayuhan
at mga ganid na panginoon
at sa marahan kong pagdilat
upang silipin ng magmuli ang liwanag
na ikaw ang isa sa nagbigay
ng kulay at hubog
taas kamao kong ihahatid ka
kasama ng sambayanan
doon sa lugar ng iyong hantungan
kung saan lumuluha man ang aming mga puso
patuloy pa ding maninindigan
at makikibaka
upang ipagpatuloy ang labang iyong
nasimulan para sa sambayan
-maria baleriz liwanag
+tulang kinatha noong ika-3 araw mula ng pumanaw si Ka Bel.
Congressman Crispin Beltran, tuloy ang laban!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento