paano ba susundan ng mga titik
ang bawat tuldok o kuwit?
ibig ko lang ipahatid ang ibig
nais ko lang sabihin ang nais
subalit tila mahirap isatinig
sa mga linya't taludtod
sapagkat batid ko na kahit
ang mga ponema at pantig
maaaring magkaiba ang hatid
sa kabila ng katotohanang
isa lang ang nais bigkasin
nitong tinig kong garalgal
ma'y may matuwid na tinuturan
kay ganda ng mga tono ng bawat
mong pagtipa sa kwerdas ng gitara
mainam pa nga siya madalas mong
yakap at hawak hawak...
sa mga awit bang nalilikha mo'y
humihiyaw ba ang paglaban ng
mga tulad naming binubusabos?
at sa bawat hagod mo'y may
pakikibaka bang tinatalos?
buti pa ang agos ng mga kanta
kabisado mo ang letra...
pero ako bang naghihikahos
sumagi man lang ba sa isip?
sa bawat mumong natitira
sa pinggan mo'y naisip mo bang
kay raming manggagawang bukid
ang nabilad sa init
inagawan ng lupa
at kay raming dugo ang
dumilig sa lupa
upang mayroon kang kanin
sa hapag ng inyong tahanang
mutya...
iyo bang naisip na
sa bawat butil na nasasayang
ilang magsasaka ang humandusay sa lupa
at ang buhay ay nawala..?
sa bawat pagkaing natitira? naisip mo
ba kaming walang makain sa umaga
sa tanghalian at sa gabing
yayakapin na kami ng lamig sa katawang
pinagpala ng alikabok at libag?
pag-isipan mo.
pero para sa sandaling ito.
salamat.
sa pagdinig mo.
sa pagtanggap.
salamat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento