Linggo, Hulyo 27, 2008

alon

kay rikit mong pagmasdan magandang karagatan
sa bawat paghalik nitong mga palasong sinag ng araw
sumasabog ang kinang ng bughaw mong tubig
dalisay at umaawit
kasama ng amihan at mga ibon sa himpapawid

maging ang kaibuturang ganda mo'y walang masambit
itong sariling labis na paghanga ang kumapit
kahit madalas na ang mga perlas mo'y
nahihiwalay sa iyong kalinga
pagkabighani ko'y di maipagkakaila

at sa tabi mo madalas akong mahiga

dinadama ang buhangin habang nakatingala
kay sarap sa pakiramdam ng iyong tubig
lalo na ang alon mong sinusuyo ang dalampasig
kung saan sa buhangin
aking iginuhit ang dalawang pusong umiibig

at inanod ng alon
ang pag-ibig ng dalawang puso
na maingat iginuhit
doon sa buhangin ng panaginip

ibinalik na ng alon
sa karagatan ng katotohanan
ang damdaming marahang naglalaho
sapagkat noon pa man
batid ng hahalo sa hangin ng kawalan
yaong mga salitang sinambit minsan
subalit sa paglaon kay bigat ng bitawan
ng mismong labing sabik noong makipaghinang
upang ipadama ang tinatawag na pagmamahal



-"inanod ng alon ang iginuhit na puso", Image by FlamingText.com

Walang komento: