Sabado, Hulyo 5, 2008

kung mapagod kaya ang panulat?



"...huwag kang mapagal sa pagsulat ng mga titik ng kasaysayan. "
-piping walang kamay




paano nga ba kung hindi na tumatak
ang bawat titik sa mga pahayagan?
at di na din rumihistro ang mga salitang
tila tatong kinahig sa mga pahina
ng mga librong nailimbag?
sa mga kwentong naisulat?
sa mga epikong nilikha?

paano kung magpahinga ng matagal
o habang buhay kaya,
kung may ganoon nga,
ang mga kamay na masipag na naghulma
ng mga debuhong tula?
mga alamat na pininta ng walang sing ganda?
mga awit na nililok gamit ang pinsel at pawis ng mga aba?
o dili kaya wag na talagang humalik sa mga papel
at buuin ang mga liham ng pagsinta?
o maikling mensahe ng kamusta?

paano nga ba?

malalaman mo bang may mga tumatangis na bata
bunga ng kumakalam na sikmura?
malalaman mo bang madalas makipagpatintero
yaong mga palaboy sa lansangan
at ang kanilang kalaro ay mga humahagibis na sasakyan?
malalaman mo bang may nabiktima ng nakawan?
at may nasawi bunga ng away at patayan
dahil sa kahirapan?
malalaman mo kayang may mga proyektong
lagpas ang ginamit na pondo
at pawang napunta lang sa tila buwayang bulsa ng mga pulitiko?
habang nananatiling nakatiwangwang at di pa tapos
lahat ng plinano?
malalaman mo kayang may pang-ilang di-mabilang ng libong tao
ang nawala at pinaslang ng mga bayarang berdugong militar
nitong walang awa at ganid na pamahalaan?
na pinasahol pa ng patuloy na pagkatuta sa mga dayuhan?
malalaman mo kayang may ilang libo o milyon na bata
ang pinagkaitan na naman ng karapatang makapag-aral?
malalaman mo kayang tumaas na naman ang presyo ng langis
at pati presyo ng bigas, gulay, pamasahe
at iba pang pangangailangan mo sa araw-araw?
habang ang sahod ng mga manggagawa, mga empleyado
nananatiling napakababa?

paano nga ba?
paano?

paano kung tumigil na ang pagluha
ng mga plumahe?

mabalitaan mo pa kaya ang mga pangyayari?
mabatid mo pa kayang ikaw
at ikaw
ay hinihintay na sumali?

ang laban ng sambayanan ay hindi nakatali
hindi umiinog
sa mga personalidad
mga pulitiko
mga artista sa pelikula
mga taong may diploma ng pagka-abogasya
pagka-doktor
at iba pang propesyon at katibayan na sila'y may edukasyon
habang ang kalakhan ay wala
at nakatunganga
nakabukas ang bunganga para sa pagkain
at inuming
magtatawid ng gutom at uhaw
ng kanilang sikmura.

PAANO?

iiwan ko ang tanong sa iyo.
at hayaan mong sa puntong ito magpasalamat ako.
sa kanila.

salamat sa hatid mong luha
salamat sa mga pawis
na mula sa iyo'y tila dagtang
humiwalay ng kusa
salamat sa hinagpis
salamat sa iyong pagdurusa
salamat sa paghulma mo sa mga papel
at mga pahina
na layong imulat ang marami para sa pakikibaka
na layong ipaalam sa marami ang tungkol sa digma
na sa kasalukuyan ay sinusulong ng mamamayan
para sa ganap at tunay na paglaya.
salamat.
at hiling ko na sana...

...sana

...huwag kang mapagal sa pagsulat ng mga titik ng kasaysayan.


-piping walang kamay




**salamat kay la rosa negra para sa larawan.

Walang komento: