maganda nga ba ang bukangliwayway
para sa sikmurang kumakalam
simula pa sa nagdaang karimlan?
ano ang naghihintay sa mga
walang yaman
kundi ang nabubulok na yero
sa kanilang bubungan
at tabing na sako bilang haligi
ng kanilang tahanan
at tanging pag-idlip
ang sagot sa nagngangalit na
bituka sa tiyan?
maganda nga ba ang katanghalian?
para sa mga manggagawang pawis at
oras at dugo ang puhunan
sa maghapong paggawa
pero kakarampot ang sahod
na kanilang tinatamasa?
maganda nga ba ang hapon
sa mga magsasakang nakikiamot
ng lupang mapagtataniman
na kanilang ikabubuhay
para sa ngayon?
at kuwestyon pa kung
maitatawid ang kinabukasan
sa pangambang walang pantay
na hati sa ani ang kanilang
hantungan...
habang ang ilang may lupang sakahan
nagbabantang maglaho pa
ang lupang kayamanan
kasabay ng buhay na iniingatan
dahil sa mga ganid na panginoon
na pilit nangangamkam
at sa sila'y inaagawan
hindi lang ng lupa kundi maging ng dangal?
maganda nga ba ang gabi
para sa pusong tumitibok?
di lang para sa umiibig
at nagmamahal sa sambayanan
kundi sa pusong nagtatangi din
sa estrangherong di pa ma'y dahilan na din
kung bakit nagmamahal...
ano nga ba ang naghihintay
sa sambayanang pinasasamantalahan
kung hindi isusulong ang
magpapalayang digma para sa bayan.
-'maganda nga ba?', severino hermoso
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento