Linggo, Hulyo 20, 2008

mahulog sa pag-ibig

may dalawang kaluluwang
nakatakdang magsama
sabi nila
tadhana ang nagtakda
nakasulat sa kapalarang
bathala ang lumikha
subalit kung ano man
naniniwala ako
sa dalawang nilalang
na sa kalaunan magsasanib
at pagbibigkisin
'di mapaghihiwalay ng puwang
o layo man ng pagitan

ito iyong pakiramdam sa bawat awit
kapag pumapailanlang ang himig
at kasama kayong naglalakad
sa kalsada man o dalampasigan
ang lahat para bang slow motion ang drama

ito iyong pakiramdam sa bawat yakap
nakakapaso ang init pero di mo mapagkakalas
sapagkat ang sangkap ay tama
tamang-tama

ito iyong pakiramdam sa bawat kamay na magkahawak
eksakto ang bawat daliri sa mga puwang
para bang hindi na nais maghiwalay
bunga ng kaligtasang hatid
dito sa lipunang sadyang mapanganib

ito iyong pakiramdam sa bawat pagtatama ng paningin
ang bawat titig ayaw mo nang alisin
'di mo na nais sa iba pa tumingin
at kahit ang pagkurap 'di mo gugustuhin
pinaghalong kaba at kilig
ang dulot sa kumakabog na dibdib

ito iyong pakiramdam sa bawat pagkakataon
kay hirap ipaliwanag
datapuwat kay daling maunawaan
kapag naman nahagilap mo yaong kapanatagan
malalaman mo na lang
ayaw mo na siyang bitiwan

ito iyong pakiramdam sa bawat pagkakataon
kalakip ay takot
lahat naman tayo ay takot
at normal ito
ngunit nangangailangan ng isang dahilan
upang ang dalawang takot
na kaluluwa ay gumawa
ng isang matapang na desisyon:

ang mahulog sa pag-ibig.

-"mahulog sa pag-ibig", severino hermoso

1 komento:

la rosa roja ayon kay ...

"One, of course, cannot presume to be rationally in love, as if everything happens within the ambit of enlightening reason & relations are not undermined by the Freudian unconscious. We are split-subjects; some would even venture psychoanalytically schizo.

One must therefore be crazy—to hype the pop-word—to fall in love, consequently eliding or blurring the troubling warts, so to speak, of the gazed at.

Yes, it affects all, even this old fogey who has never learned the time-worn lesson."

~Edel Garcellano, Contratexts