minamasdan kita
ang pinakamagandang bulaklak
sa hardin ng awitan at pakikibaka
naglalakad ka...
marahan...
patungo sa altar kung saan
magsusumpaan ng walang hanggan
kung saan sasambitin
ang ngayon at magpakailanman
kung saan papailanlang sa hangin
ang alingawngaw ang putok ng mga armalite
simoy ng hanging mapapabanguhan ng pulbura
umuulan ng confetti gawa sa mga talulot
ng rosas, hasmin, santan, at sampagita
at bibitawan ang katagang,
"hanggang kamatayan,
paglilingkuran ang pag-ibig
sa rebolusyon at sambayanan"
...at kukupas ang sandali
lalabas na ako sa aking panaginip.
-"pag-iisang dibdib", maria baleriz
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento