ikaw.
ang elementong kulang:
sa mga larawan ng litratista ng mga talinghaga
sa obra ng iskultor ng panulaan
sa piyesa ng mang-aawit ng epiko't kasaysayan
sa harding mayabong subalit walang rosas
sa malalim na karagatang hinahanap ang kanyang perlas
ikaw.
ang hinahanap:
sa mga pagluhang hanap ay kasagutan
sa mga katanungang nananatili sa pandama
sa mga pagsintang nalipos ng pangamba
sa mga tinging nagmamakaawa
sa mga sikmurang kumakalam sa umaga
ikaw.
ang tila nawawala:
sa mga pagkilos sa mga lansangan
sa mga boses na naghihintay ng tugon
sa mga paghiyaw na hanap ay katarungan
sa mga pagtangis na mga amis
ikaw.
ang hinihintay na salik
sa bawat paglaban na ninanais
ay paglaya at pagbabago
hiling at hiling
kasama ka
doon man o dito
kailan nga ba muli ay sasanib?
sa pakikibakang minsan mo ng niyakap
at inibig
sa pakikibakang ikaw man din ay
bahagi
kailang kaya manunumbalik
ang kulang
na ikaw ang pupuno
sa hinihintay na pagbabalik...
-"ikaw ang kulang", severino hermoso
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento