huwag kang pumikit
isipang mulat
lalo sa panahong
dapat kang dilat
huwag mong iwaksi
ang pagkilos na dapat
at batid mong paglaya
ang siyang sinisipat
kung kailangang isara
yaong mga mata
gawin mong buong laya kasama
subalit pakiusap ko sana
huwag mong isama
ang diwang nakikibaka
kamalayang nakikiisa
sa pinagsasamantalahang masa
para sa paglaban at paglaya
isipang nagsusulong ng digmang lalagot
sa ilang daang taong pang-aalipusta
'pagkat ang kamulatan
sa sandaling humalik sa iyong gunam-gunam
mananatili na ito't makikipagtunggalian
sa kung ano at dapat mong gampanan
sa rebolusyong magpapalaya sa mamamayan
isanib mo ang ikaw
sa laksa-laksa't bilyon-bilyong mga maya,
langay-langayan, pipit, agila
na naghahangad ng paglaya
walang mawawala sa ating pagtatagumpay
kundi pawang mga tanikala ng pagsasamantala
ng mga dayung kaaway
-"mulat", piping walang kamay
hulyo 16, 2008
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento