habang nakikilala ka
'di ko maunawaan ang aking nadarama noong una
may panahong umuurong itong mga paa
na dati kay tulin sa pakikipagkarera
sa kabatirang malapit ka ng makita
pero sa sandaling nariyan na
kulang na lang ay iwan
ang katawan kong nakalutang
para lang takasan
ang kabang nadarama
habang nakikilala ka
baket sa tuwina pinamumulahan
ako ng mukha
mga pisngi ko'y tila nasabuyan
ng apoy
at ang pakiramdam tila ba
ibig ng maluoy
habang nakikilala ka
tila ba ako sanggol na bata
paano ba naman hindi ko maituwid
itong pagsasalita
sa tuwina'y nauutal
sa mga bibigkasing salita
samantalang sa pagtatalakay
kay husay mangusap lalo't
kapag ika'y wala
habang nakikilala ka
higit kong natiis ang pangamba
ibayo pang niyakap ang
sakripisyo't paghihirap
at sa pakiwari nga'y lahat aking matatanggap
handang masaktan
at sakit ay malasap
basta para sa sambayanan
lahat mahaharap
habang nakikilala kita
nakikilala ko ang ating pakikibaka
at habang lumalalim
mas natututunan ko ang lumangoy kasama ka
dito sa rebolusyon
na karagatan ng samu't-saring dadamin
na itinuro mong masa at ang masa pa din
ang una't huli nating pakaiibigin
at habang nakikila kita
nakikila ko ang rebolusyon...
kung gaano kasalimuot itong daan pasulong
para sa paglaya
'di na ako nangangamba
wala na akong pag-aalinlangan pa
sapagkat kasabay ng sa iyo'y
aking pagkakakilala
dahan-dahan
unti-unti
nakikilala ko't natatanggap
ang kawastuhan
sa ating pakikibaka...
-"habang nakikilala ka", severino hermoso
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento