Lunes, Hulyo 21, 2008

ulan

sandaling dinilig ng langit ang paligid
laksa-laksang luhang nagmula sa pag-ibig
na inipon at sa ulap natigib
sa bigat ng dala'y sumambulat pilit
at nagpala sa mga buhay at walang pagod na bisig
mga puno't halaman,
lupa't mga gusaling nagtataasan
dumilig sa mga bagay na walang paghinga at paghiyaw
sa lupit nitong lipunang pinagsisidlan
ng mga ganid sa yaman at laman

bumuhos ka pa ulan
marahas kung ibig mo ay ganyan
subalit hiling naming mga pinagsasamantalahan
parusahan mo ay yaong mga ganid
silang walang ginawa kung di sairin
ang yaman sa mamamayan ay nakahilig

magsawa ka man sa pagbuhos
siguraduhin mong nalupig mo't naubos
kung hindi man lahat
sana yaong mga sagadsagarin
at sa pagbalik mo na lang ulit
lipulin ang mga latak na di nahagip
o napuruhan ng iyong galit

-"ulan",severino hermoso

Walang komento: