Linggo, Mayo 18, 2008

dahilan

may ilang kalituhan sa aking isip
ang kamakaila'y saglit na umistambay
at nagdulot ng usapin sa pagkilos
na mula't sapol sadyang
sa sambayanan na inalay

matapos naman ang masalimuot, ika nga,
na animo'y pagdaan sa butas ng karayom
bunga ng malupit na tunggalian
sa prinsipyong ipinaglalaban
at sa burges na kaisipang
pilit sumusuot sa utak kong
buryong na ata sanhi ng pagod
at hirap
matagumpay naman nalinaw
ang mga agam-agam

mula doon napagtanto nitong sarili
higit pang tumibay bakit nga
ba hanggang sa mga sandaling
tulad nito't gumagabi
ang dahilan ko'y lagi't lagi
ang masa din talaga
at itong binabatang damdamin

ikaw at ikaw din ang dahilan
kung bakit gusto ko pang makita
ang bughaw na kalangitan
kung bakit ibig abutin
ang pagbubukangliwayway
at unahan ang lahat sa kagandahang masisilay
sapagkat di ko din batid ang kinabukasan
kung ikaw pa ba ang dahilan bakit ako lilisan
upang tanganan pang mas mahigpit ang armadong paglaban

ngayong kong tatanungin mo ako
bakit magulo ang aking isip
sasagutin kita ngayon
at ngayon din
yaong mga panahong yaon
bahagi na lang ng kasaysayan
at masaya ng lumalangoy
sa dagat ng nakaraan
sapagkat ngayon aking natitiyak
kasama ang sambayanan,
ikaw at ang rebolusyon
ang aking dahilan

-maria baleriz

Walang komento: