Sabado, Mayo 31, 2008

‘KAKA’*

‘KAKA’
ni Noel Sales Barcelona

Para sa alaala ni Anakpawis Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran
(Enero 7, 1933 – Mayo 20, 2008)

Nang bagong aktibista pa lamang ako
Laging sinasabi ang mga katagang
Simpleng pamumuhay, puspusang pakikibaka.

Hindi matalos ng isip
Ang kahulugan ng mga kataga
Hanggang makilala kita.

‘Di man nagkasama nang matagal
Ngunit sa pakiramdam—
Matagal na kitang nakakatalamitam:

Sa tuwing makikipag-usap sa maralitang tagalungsod
Sa tuwing makakarinig ng taghoy ng batang walang malamon
Sa tuwing dumaragsa sa lungsod ang biktima ng militarisasyon
Sa tuwing ang sinasabi ng magbubukid lupa niya’y kinumpiska ng poon.
Sa tuwing mauulinig ang yabag ng libu-libong paa sa tuwing mobilisasyon.

Nakikita ko ang pagiging tunay mo
Sa tuwing naririnig ang talumpati
Ng mga pulitikong nagpapakabundat
Sa pera ng publiko.

Magkano nga lamang ba ang kabuuang
Halaga ng mga pag-aari mo, ha
Kakang Crispin? Wala pa yatang P60,000.

Bakit? Gayong tatlong taon
Ang pananatili mo sa bahay ng mga poon?
Isa lamang ang sagot, Kakang Crispin:

Hindi mo magawang nakawan
Ang katulad mong walang-wala rin.
Ang katulad mong busabos din.

Ginto kasi ang puso mo
Busilak gaya ng langit
Sa tuwing sisikat ang araw.

Naalaala ko tuloy sa iyo
Ang tula ni Bonifacio
Gaya mong proletaryado:

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub’ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin ng isip
At isa-isahing talastasing pilit
Ang salita’t buhay na limbag at titik
Ng sangkatauhan ito’y namamasid.

Banal na pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
Sa tapat na puso ng sino’t alinman,
Imbi’t taong-gubat, maralita’t mangmang,
Nagiging dakila at iginagalang.

Pagpupuring lubos ang palaging hangad
Sa bayan ng taong may dangal na ingat;
Umawit, tumula, kumatha’t sumulat,
Kalakhan din niya’y isinisiwalat.

Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong mahal sa Bayang kumupkop;
Dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,
Buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.

Bakit? Alin ito na sakdal nang laki
Na hinahandugan ng buong pagkasi?
Na sa lalong mahal nakapangyayari
At ginugugulan ng buhay na iwi?

Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan,
Siya’y ina’t tangi na kinamulatan
Ng kawili-wiling liwanag ng araw
Na nagbigay-init sa lunong katawan

Sa kaniya’y utang ang unang pagtanggap
Ng simoy ng hanging nagbigay-lunas
Sa inis na puso na sisinghap-singhap
Sa balong malalim ng siphayo’t hirap.

Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan
Ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal
Mula sa masaya’t gasong kasanggulan
Hangang sa katawa’y mapasalibingan.

Ang nangakarang panahon ng aliw
Ang inaasahang araw na darating
Ng pagkatimawa ng mga alipin,
Liban pa sa bayan saan tatanghalin?

At ang balang kahoy at ang balang sanga
Na parang niya’t gubat na kaaya-aya,
Sukat ang makita’t sasaalaala
Ang ina’t ang giliw, lumipas na saya.

Tubig niyang malinaw na anaki’y bubog,
Bukal sa batisang nagkalat sa bundok,
Malambot na huni ng matuling agos,
Na nakaaaliw sa pusong may lungkot.

Sa aba ng abang mawalay sa Bayan!
Gunita may laging sakbibi ng lumbay.
Walang alaala’t inaasam-asam
Kundi ang makita’y lupang tinubuan.

Pati ng magdusa’t sampung kamatayan
Wari ay masarap kung dahil sa Bayan
At lalong maghirap, O! himalang bagay,
Lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.

Kung ang bayang ito’y nasasapanganib
At siya ay dapat ipagtangkilik
Ang anak, asawa, magulang, kapatid
Isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

Datapwat kung ang bayan ng Katagalugan
Ay linapastangan at niyuyurakan
Katuwiran, puri niya’t kamahalan
Ang sama ng lilong taga-ibang bayan.

Di gaano kaya ang paghihinagpis
Ng pusong Tagalog sa puring nilait?
Aling kalooban na lalong tahimik
Ang di pupukawin sa paghihimagsik?

Saan magbubuhat ang paghihinay
Sa paghihiganti’t gumugol sa buhay
Kung wala ding iba na kasasadlakan
Kundi ang lugami sa kaalipinan?

Kung ang pagkabaon niya’t pagkabusabos
Sa lusak ng daya’t tunay na pag-ayop
Supil ng paghampas, tanikalang gapos
At luha na lamang ang pinaaagos?

Sa kaniyang anyo’y sino ang tutunghay
Na di aakayin sa gawang magdamdam?
Pusong naglilipak sa pagkasukaban
Ang di gumugol ng dugo at buhay.

Mangyayari kaya na ito’y malangap
Ng mga Tagalog at hindi lumingap
Sa naghihingalong Inang nasa yapak
Na kasuklam-suklam sa Kastilang hamak?

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?
Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya’y inaapi, bakit di kumilos
At natitilihang ito’y mapanood?

Hayo na nga kayo, kayong nangabuhay
Sa pag-asang lubos na kaginhawaan
At walang tinamo kundi kapaitan
Hayo na’t ibigin ang naaabang bayan.

Kayong natuy’an na sa kapapasakit
Ng dakilang hangad sa batis ng dibdib
Muling pabalungi’t tunay na pag-ibig
Kusang ibulalas sa Bayang piniit.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
Kahoy n’yaring buhay na nilanta’t sukat
Ng bala-balakit makapal na hirap
Muling manariwa’t sa Baya’y lumiyag.

Kayong mga pusong kusang [niyurakan]
Ng daya at bagsik ng ganid na asal,
Ngayon ay magbango’t Baya’y itangkakal
Agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging [palad]
Kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap
Ampunin ang Bayan kung nasa ay lunas
Pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig,
Hangang sa may dugo’y ubusing itigis,
Kung sa pagtatanggol buhay ay [mapatid]
Ito’y kapalaran at tunay na langit.

Kaya nga, Kaka,
Hindi namin malilumutan
Bawat guhit ng iyong mukha
Laluna, iyong kaisipan mong
Singlantay ng gintong binuli
Nang dekadekada mong pakikibaka.

Hindi kami tutugot
Lalaban kami, hanggang hininga’y malagot—
Hanggang ang rohong bukas, ay ating maabot!



*ipinaskil ng may akda. isang mahusay na likha. para kay ka bel.

Walang komento: