Miyerkules, Mayo 14, 2008

inay

ikaw at ang kaarawan ng iyong pagkalikha
aking pinagpapasalamat sa kung sino man ang lumikha
di ko man nakita kung paano ka hinubog
ng iyong paligid na nalipos ng tunggalian
dama ko ang hirap na matagal mo nang binabata

at sa totoo kaya ko din ito ginagawa
ang makibaka para sa tunay na paglaya
upang wala ng nanay, ina, mama, at iba
pang ilaw ng tahanang tatangis
sa tuwing gabi ay sasapit
napupuno ng pangamba ang dibdib
sapagkat wala pang kanyang mahal sa paslit
na sa murang edad ay nagpalaot
sa dagat ng panganib at masalimuot
upang gaurin ang pakikibaka
para sa sambayanang nilugmok
at nilulugmok pa sa burak na pagsasamantala

pero ina
huwag ka ng masyadong mangamba
sapagkat kagaya mo
hangad ko din ay kabutihan
para sa lahat at maging sa iyo
at sa mga susunod pang mga ina
at maging sa magiging apo mo
magandang bukas din ang hangad ko
kaya ginagawa ko ito
ang tanganan ang armas
at gamitin sa paglaya
kasama nating maglalakbay
ang maraming iba pa

kaya inay wag ka ng lumuha
pawiin ang pangamba
at sa pagdating ng araw
na di ko na makita ang takipsilim
maging masaya ka pa din
para sa akin
sapagkat hindi nasayang
ang iyong mga aral
dito sa isipan ko'y yamang
pakaiingatan
kahit sa sandaling pagpikit ko'y
di na dumilat para masilayan
ang gintong sikat ng araw

Walang komento: