alam kong marami kang iniisip
sa dahon o talulot ng bulaklak
may tunggaliang maapuhap
kaya bakit ka mangangamba
kung ang sandali ay
makulimlim ang pag-asa
mas lalong kariktan
ang masisilay mong talaga
pagkatapos ng mga laban
at kontradiksyong makakasalamuha
ang paru-paru naman ganoon
din ang nagpala
bago mo masumpungan ang matingkad
na kulay niyang tangan
masalimuot na hirap ang kanyang dinaanan
mula sa pagiging higad
hanggang sa maikulong
sa cocoon ng ilang panahon
tiniis niya hanggang
tuluyang sumibol sa pagiging
isang ganap na makulay
na paru-paro
walang sing ganda
walang sing laya ng
ngayon ay pumapailanlang
sumusulong sa himpapawid
di alintana ang panganib
pagkat batid niyang
may gampaning dapat ihatid
sa lipunang nagluwal sa kanya
at nagpanday
ikaw man ay walang pinag-iba
kapara ng paru-paro
o ng marikit na mariposa
suungin mo ang hirap at pangamba
kahit ang panganib ng kamatayan
di dapat inaalintana
maglingkod ka sa sambayanang
animo walang bukas nang liliparan
o dadapuan
at mula doon abutin mo ang
nilalayong bulaklak ng tagumpay
at ang ganap na paglaya
para sa mamamayang
binubusabos ng sistema
**+metamorposis+ - ibig sabihin ay pagpapalit anyo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento