Martes, Mayo 13, 2008

Lawa

papalubog na ang araw ng aking kitang pagmasdan
at sa marahan niyang paglubog mula sa marikit na kalawakan
ikaw ay matama kong iniisip tinititigan
di maiwasang makadama ng pangamba
lalo't ngayon bumubungad demolisyong nakaamba
labi't mga alaala ng iyong naitulong
upang kabuhayan sa kasalukuyang panahon
kahit papaano maitawid ang gutom
sa kabila ng katotohanang busabos ang kalagayan
yayat ang iwing yamang pilit pang kinakamkam
ng mga panginoong ganid
at dayuhang sagadsagarin sa kasamaan

baket?
ang tanong na nagpatigil sa aking pagsasalita
salitang nagpaumid sa aking dila
baket patuloy na tumatangis ang mga paslit
at sa pag-awit nila ng himig
dumadagundong ang pagtambol ng kumakalam na sikmura
upang higit pang kinisin ang musikang tinotono
kasabay ng mga luhang bumabalong sa paningin
nagwawala ang garalgal nilang boses
na naghahanap ng hustisya
sa maraming mga katawang humandusay sa lupa
at mga buhay na lumutang sa gitna ng laot
para ipaglaban silang mga dinuduhagi
ng mapagsamantalang sistema
para lang maglingkod sa dayuhang
ganid sa tubo at ganansya

Walang komento: