ang haligi mong simula't sapul na nakagisnan
marupok na lawani't at plywood na natatabingan
pinagtagpi-tagping sako na karukhaan
sahig ninyong madalas kumakalinga sa pagal
na katawan bunga ng buong araw na
pagbubungkal ng pantapal sa sikmurang kumakalam
kanal na pinupugaran ng mga lamok at langaw
at sakit at burak. na tinakluban
lang ng kahoy na papag at madupok na kawayan
bubungan ninyong lata hayun at kinakalawang
at ang kawal ninyo'y yayat na si bantay
na binundat ang tiyan sa mga nakalkal sa basurahan
ito ang munting kahariang nanganganib pang mawala
sa banta ng bagyo sa papalapit na tag-ulan
at sa nakaambang DEMOLISYON ng gobyernong
kailanma'y di naglingkod sa mamamayan
akala mo'y hayop ang pinaaalis sa lupang kinatitirikan
ng payak na barung-barong na aming himlayan.
matamang tinatanaw ang sinag ng araw
na sa umaga'y naglalagos sa butas ng
kinakalawang na bubungan
at habang ginagawa mong mataimtim 'yan
marahang nagtitipon ang kirot
ng mga bulate sa kumakalam na tiyan
kasabay na umaalingaw-ngaw
ang musika ng pag-atungal
ng sanggol mong kapatid na nasa higaan
habang mga kapitbahay mo'y nagsisigawan
umuulan ng mura sa di kalayuan
upang ipaabot sa mga naglalanguyang bata sa kanal
ito ang kulturang malapit ng kayo'y maumay
malapit na ninyong pagsawaang pagsaluhan
na magkakapamaliya sa araw araw
magkokumonyon ka pa ng sermon
mula sa poot ng aburido mong ina
na tuliro na sa pasan-pasang mga problema
ibig mong lumuha at humiyaw
sa abang kalagayang sa inyo'y nagpala
at animo'y pilat na di mawala-wala
lalo na ng pumanaw ang isa sa iyong kapitbahay
sa isang pampublikong ospital kung
saan siya sinikap mairatay
nagdurugo ang puso mo dulot ng pagkahabag
'pagkat nakita mo ang kalunos-lunos na
sitwasyon 'di lang ng kapitbahay mo't kaibigan
tumambad sa iyo ang busabos na kapalaran
ng marami pang uring anakpawis na
nag-aabang ng swerteng mapagbigyan
pumanaw siyang di man lang natikman
ang higaan doon sa pagamutang pinagdalhan
na hangad ninyong magsasalba ng buhay at karamdaman
tumatangis ang kalooban habang naglalagalag
sa loob ng ospital na inyong pinagdalhan
mga pasyente'y sisksikang tila mga sardinas sa de lata
pagbalik mo'y baun-baon ang masaklap na karanasan
mapait na katotohanan sa gitna ng pagpanaw
nang maliliit nagpipyesta ang mga ganid
bumalik ka sa kanlungan mong iisa ang nasa isip
saklot ka ng poot at labis na hinanakit
at itinanim sa isip na di na dapat yaon maulit
ang alipatong naligaw sa iyong gunamgunam
ngayo'y nagbabaga na't sinisilaban ang isipan
at ang apoy na nilikha sa mata mo'y masisilayan
wala na ngang pag-aalinlangan ang iyong
kapasyahan na mag-ambag sa pagbabago
at panglipunang kaayusan
ang busal sa bibig at pambara sa tenga
ng mga sakim na panginoon at
walang pusong mga imperyalista
inaalis na ngayon at naghahanda sa pagtirada
pagkilos ay kinakasa upang gulantangin
silang mga nagpapahirap sa malawak na masa
ang araw ay pupula at pula ang hahasik
sa lupang yaman na inagaw nilang pilit
lalahok na sa pakikibaka ang mga hinog ng bisig
at ang isip na ngayon namumulat na sa paghihimagsik
mag-aambag na buong giting ikaw at ikaw din
ang kasamang binubusabos at sa gutom na tinitiis
ang magbibigay laya sa uring inaamis
lalagutin ng maso, ng karit, at ng punglo
ng pagsasamantala at pagkaaliping ipinako
at nasisiguro na ang pagluhod ng uring nagpasimuno
ng pambubusabos
ang sambayanan ngayo'y kumikilos
para sa ganap na hustisya
kahirapang hinahambalos ng mga dayuhan
silang walang inatupag kundi pambubusabos
masa at masa ang kikilos
ang maso, ang karit, at ang punglo
ang tatapos
++di pa tapos talaga pero hinihikayat na magbagsak ng komento/kritika. salamat
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento