Martes, Mayo 6, 2008

pagpapaskil ng akda

buhayin mo ako, kasama
buhayin mo ako sa pagkabulagta
sa ideolohiyang walang kwenta,
walang bait sa masa, sa kasama.

buhayin mo ako,
sa aking kaduwagan,hubdan mo ako
nang ako'y di magsilbi liban sa tao
sa lupalop ng mga bayani't makata,
mangingibig at magsasaka,
mababait at manggagawa,
mga mang-aawit at mapagkasama..
buhayin mo ako sa buhay nila,
sa kadalisayan ng kanilang ngiti at luha
sa ganda ng kanilang gabi at gunita
sa pangarap ng ano pa nga ba't Paglaya.

wasakin o yari kong selda,
pagkagapos sa sariling pagdududa,
kalungkutan sa di mabilang na kabiguan sa tunggalian.
ipaalala mo na ni minsan 'di ako nag-isa
'di ako naghirap ng para sa wala
ipaalal mo na ako'y naglalakad sa anino ng mga magiting,
mga di maantig ng tumagos na bala,
mga pinagigting ng taas-kamaong kamatayan ng mga kasama

buhayin mo ako hanggang sa kaya kong
tumingin sa mata ng masa at masabi kong
tunay ngang ako'y nabuhay at ngayo'y nakikibaka...


-jess m. cale
**ang tula ay hango isang gabing unang narinig na may-akda ang "mabuhay ka" ni Emmanuel Lacaba

*ipinaskil ko ang tulang ito ng isang kaibigan, jess m. cale, upang ibahagi sa lahat ang sa aking palagay ay isang mahusay na akdang magmumulat sa diwa mong nahihimbing sa burges na kultura.
manggigising sa isipang nalulunod tila sa hibang na paniniwala ng burgesyang mapagsamantala. gulantangin ang muwang mo sa pagkalango sa kawalang kwentang pagkilos para sa sarili at sa ambisyong di mo namamalayan ay nagsisilbi pa sa ibayong paghihirap ng sambayanan....

Walang komento: