Martes, Mayo 6, 2008

sapagkat ang edukasyon ay rebolusyon

sa pusikit na gabi
iniisip ko ang pagkakataon
paano si benjie
paano si elsa
paano si apeng
paano si loisa
paano si mak-mak
paano ang mga tulad ni kakay
...ni metring
...ni berta
...ni lando
...ni nena
...ni kulaps
at ng maraming iba pa

mga walang makain
mga walang matirhan
mga di pinalad makapag-aral
silang idinadaan sa pag-iyak
ang kumakalam na tiyan
pakunswelo na ang pagtulog sa
hirap ng maghapon
kahit sa malamig na sahig ng bangketa
kung saan bubunuin nila ang mga panaginip
umuulan man at mabasa ang hapong katawan
magkaroon lamang ng larawan mga
inagaw na pangarap
pagbangon naman namin
ititindig ang karapatang ninanais
at ang edukasyong minimithi
tiyak na makakamit

subalit huwag kang magtataka
huwag magugulat
huwag mong kuwestyunin
kung masaksihan ng iyong mga mata
masilayan mo kami sa gitna ng kalsada
ubos lakas na humihiyaw
tangan ay karatula at plakards
ng aming pag-alam sa bulok na sistema
bitbit ay mga papel pang-propaganda

huwag.
huwag kang magtaka.
kung imbitahan ka't tawagin na sa ami'y sumama
at ipaglaban natin ang EDUKASYONG karapatan
ng malawak na masa
huwag
huwag kang magulantang
kung manawagan kami ng paglaban
kung marinig mo man mula sa aming bibig
panawagan nami'y isulong ang
rebolusyong iniibig
mailap ang edukasyon
at kalakhan ay walang
makabayan, syentipikoo at makamasang edukasyon
subalit hindi ibig sabihin
wala kaming natutunang aral o leksyon
dahil ang aming panawagang pagbabago
mula na rin sa mayamang karanasan
ito ang nauunawaan
na hindi kailangan ng diploma
o lisensya o kahit anong magastos na katibayan

wala na kaming takot
wala na kaming pangamba
sapagkat batid namin ang nararapat
at dapat naman talaga
pagtulungan nating hawanin
ang landas para sa pagbabago
para sa pakikibaka
sa nabubulok na sistema
sa edukasyong pinapangarap na matamasa
gawin na natin
sapagkat ang edukasyon ay rebolusyon!

Walang komento: