sapagkat siya ay si Ka Bel
simple. simple. simple
hayaan ninyong sa ganoong kataga
aking simulang iguhit ang kanayng imahe
payak siyang tunay
sapagkat ang kayamanan niya'y hindi ang pera
kundi ang masa, ang masa at ang masa
dahil maging ang kanyang pamilya:
ang butihin niyang may bahay
mga anak
mga apo
ang kanyang dakilang ama at ina
mga tiyo at tiya
mga kapatid
ay bahagi ng sambayanan
ng masang lubos niyang pinaglilingkuran
ang kayamanan niya ay ang masa
kung nasaan ang samu't saring
uri na nagpanday sa kanay
hanggang sa mahubog ang dakilang siya
ang mga manggagawa
ang mga magsasaka
ang mga kabataan
ang mga kababaihan
ang mga katutubo
ang mga maralita
sa lungsod at kanayunan
ang sambayanang lumalaban
sapagkat ang kayamanan niya
kung iyong hinahanap
natitiyak kong ikagugulat mo't
ibayong paghanga pa ang sa iyo'y haharap:
dalawang barong tagalog
isang pares ng salamin sa mata
aparador at ang ilang mga kamiseta
ito ang yamang mayroon siya
hindi siya nabuhay sa luho ng mundo
bagkus sumibol siya para sa pakikibaka
at pagbabago
na upang mabuhay ka
'di ito para sa pansariling gusto
kundi sa pagsuong sa hirap at sakripisyo
at pagtindig kahit sa kuko ng kamatayan
para maglingkod sa paglaya ng sambayanang
binubusabos ng mga dayuhang
ganid sa yaman
simple simple simple
hayaan ninyong sa ganyang kataga ko
ilarawan ang huling paglalapat ko
ng sangkap na magpapatingkad ng obra maestrang
sambayanan din ang humubog.
si Ka Bel.
ganyan humigit kumulang.
huwaran.
militante.
para sa kanyang pamilya.
sa mga kaibigan.
...mga kasama.
sa masa.
sa rebolusyon.
-maria baleriz
*binigkas noong gabi ng parangal, ika-22 ng Mayo, ng sektor ng kabataan para kay ka Crispin "Ka Bel" Beltran.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento