kasabay ng mga patak ng ulan
'di ko namalayan ang kariktan
na hatid ng bukangliwayway
inanod na ng mga luha ang
huling pamamaalam
at ito nga ang katunayan
na wala ng tigil
walang dahilan para huminto
sapagkat hindi naman tumigil
ang pagsasamantala
sapagkat hindi din ito nais ng
dakila nating kasama
ang paglisan niya ay di tunay
na pagkawala
bagkus ibayo pang pagpupunyagi
na maglingkod at ipagtagumpayan
ang laban ng sambayanan
sapagkat kapara ng normal
na nakagawian
mula sa tila tahimik na sandali
na hatid ng pusikit na gabi
unti-unti tumitipon ang musika ng paligid:
bosina ng sasakyan
ugong ng makina
sagitsit ng preno
at samu't saring iba pa
mga tunog na pinagsama-sama
upang magbigay galang at pagpupugay
sa paglisan ng
isang dating taxi driver ng masa
isang matapat na gasoline boy
isang dakilang lider-manggagawa
isang kapita-pitagang
...ama ...lolo ...kasama
isang huwarang rebolusyonaryong
hanggang huling hininga
matapat na naglingkod sa masa!
1 komento:
"ang paglisan niya ay di tunay
na pagkawala"
sakto. magandang linya ito.
Mag-post ng isang Komento