Linggo, Mayo 25, 2008

iguguhit namin ang Obra mo

itatabi ko muna ang sandaling ito
alam kong di ko mapipigil ang pagpatak ng luha
mula sa mata kong matagal na panahong
'di na masisilayang nagmamartsa ang isang dakilang
lider-manggagawa

iluluha ko ang sakit
at maging ang pait ng iyong pagkawala
subalit hindi ang aral mo't laban
na masikap na isinulong
tunay kang nagpunyagi at tumindig
sapagkat maging sa huling sandali
tangan mo'y armas ng paggawa
na di kailanman mabubura sa aming gunita

salamat
at alam kong kahit ang ganoong salita
di makakasapat upang isatinig
kung gaano ka kadakila
ang totoo ibig ko ang magwala
ang mag-hysterical ika nga
pero alam kong di mo ipahihintulot
na magkaganoon
mas nanaisin mo sa halip
na magpatuloy kami sa pakikibaka
patuloy sa paglaban para sa pagkamit ng hustisya
para sa sambayanang minahal mo
ng higit sa sarili at kahit sa pamilya

huwaran ka Ka Bel.
at kapos ang salitang nalikha ng tao
upang iguhit ko ito at ipaalam sa pinaka-iibig mo
pero sa payak na pagkilos
para sa paglaya ng sambayanang binubusabos
alam kong magkakamukha ang tunay na ikaw
sa gawi ng proletaryado mahusay mong
isinabuhay
at ang ikaw ay wala na nga marahil
makakapantay.

dadaluyong ang paglaban
ang paglaban mo at ng sambayanan
Ka Bel bibigyan namin ng larawan
ang mga pangarap mo para sa sambayanan!

-maria baleriz

*isa sa mga tulang nilikha ng may akda para sa dakilang lider-manggagawa at militanteng mambabatas na si Ka Crispin "Ka Bel" Beltran.

pagpupugay Ka Bel! Itutuloy namin ang iyong Laban. Itutuloy namin hanggang tagumpay!

Walang komento: