nais kong marinig ang iyong tinig
at hiling kong kahit isang salita
ibulalas ng iyong bibig
sapat na ang ganoong panimula
upang ang isip mo't isip ko'y magkaunawa
nais kong marinig ang iyong hinaing
at hiling kong kahit sa mga titik
ng iyong akda mabasa ko ang iyong
nadarama at napala
sapat na ang ganoon ika nga
upang ang nadarama mo at ng madla
ay aking mapagtugma
nais kong marinig ang iyong karanasan
at hiling ko na kahit sa mga parirala
ng iyong mga awiting naisulat na
madama ko ang hirap na binabata
sapat na ang ganoon siguro
upang ang iyong laban at ng masa ay
mapagbigkis at tumimo
nais kong marinig ang iyong kasaysayan
at hiling ko na kahit sa mga hinagpis
ng iyong mga kwento ng paglalakbay
na iyong sinuong ng 'di na mabilang
na paghakbang pasulong
makita ko sa aking gunamgunam
ang masalimuot na pakikibakang
iyong napangibabawan
sapat na ang ganoon marahil
upang ang landas na tatahakin ko
at ng iba pa ay maging matuwid
sa diwa ng iyong pagbabaybay
at kasama pa ang epiko ng mga 'di mabilang
na nabuhay at nasawi sa digmaan
digmaan ng walang hanggang paglaban
para sa tunay at ganap na kalayaan
ng masang patuloy na binubusabos
at inaalisan ng yaman at dangal
batid kong magtatagumpay tayo
malulupig ang mga ganid at
mapagsamantalang mga dayuhan
kakainin ng lupa silang mga
walang hinagad kundi pagdurusa ng kapwa
nila at kababayan...
itaga mo sa bato
itaga mo sa bato
magaganap iyan
magaganap
hindi mo lang maririnig
kundi iyong masasaksihan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento